Espirituwal na Batong-Patibayan Blg. 181

 

Ang Buhay na Walang Hanggan

ay ang Mabuhay Para sa Iba!

 

Mateo 25:40,  At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa Akin ninyo ginawa.”

 

Pakinggan ninyo ang sinabi ng Propeta ng Diyos tungkol sa bagay na ito:

 

            Ang Panginoong Jesus Cristo ay nagiisang Tao lamang, ang Taong sakdal (Filippos 2:5-8). Ipinagkaloob Niya ang Kaniyang buhay, at gumawa Siya ng isang halimbawa para sa iyo.

            Ngayon, ano ang gagawin natin. Ngayon, ang unang bagay na nais kong sabihin ay ito: si Jesus ay hindi nabuhay para sa Kaniyang Sarili. Ginugol niya ang Kaniyang Buhay para sa iba. Iyan talaga ang sakdal na Buhay na Walang Hanggan. Kung sasabihin mo na nagsisimba ka at gumagawa ka ng mabuti, mainam ‘yan. Subalit kung nabubuhay ka para sa iyong sarili lamang, wala kang taglay na Buhay na Walang Hanggan. Ang buhay na Walang Hanggan ay ang mabuhay para sa iba.

            Napatunayan ang bagay na iyan nung Siya ay pumarito bilang Cordero ng Diyos (Juan 1:29). Nabuhay Siya taglay ang Buhay na Walang Hanggan, sapagkat hindi Siya nabuhay para sa Kaniyang Sarili. Nabuhay Siya para sa iba. At matatanggap mo ang Buhay na Walang Hanggan sa pamamagitan ng pagtanggap mo sa araw na iyon ng Kalbaryo, at hindi ka na mabubuhay para sa iyong sarili. Bagkus ay mabubuhay ka na para sa iba. [1]

            Ngayon, pinasasalamatan natin ang mga duktor, at lahat na, na maaaring makapagkaloob sa atin ng mga tulong na medical, at maisaayos ang ating mga buto, mabunot ang ating mga ngipin, at lahat na, ang mga bagay na ito ay ayos lang. Ang mga duktor ay mga lingkod ng Diyos sa mga tao, at nakakatulong sila sa mga tao. Sa mga ospital at institusyon, pinasasalamatan natin na makasama sila. At wala akong anomang laban sa kanila; ang tanging magagawa ko lamang ay ang manalangin upang ipagpatuloy ng Diyos ang pagtulong sa kanila. Sapagkat ako ay sangayon sa anomang gawain na makakatulong sa mga tao. Sangayon ako sa bagay na ito. At nalalaman ko na ang Diyos ay sangayon sa anomang kilusan na nagsisikap makatulong sa mga tao.

            Iyan palagi ang nararapat nating gawin, ang makagawa ng isang bagay upang makatulong sa iba. Ang totoo, iyan talaga ang ugali ng isang Cristiano tungkol sa mga bagay bagay.

            Ito ay isang dakilang pasanin na walang sinoman ang nakakaalam. Iyan ay sa Diyos lamang at sa akin. Ngunit kapag mahihiga na ako, isang napakainam na pribilehiyo na ako’y lumuhod sa harapan ng Diyos at sabihin, “Ama, sa abot ng aking nalalaman nakagawa ako ng isang napakainam na bagay sa araw na ito. Nakagawa ako ng isang bagay na sa aking nalalaman ay nagdulot ng munting kabutihan sa buhay ng mga tao.” At nakakatiyak ako na ang mga pagpapala Niya ay manunumbalik ng manunumbalik at higit na magiging magaan ang buhay para sa akin. (Eccl. 11:1). Kung nais ninyong gumawa ng isang bagay sa Diyos, gawin ninyo ito sa Kaniyang bayan. Kung nais ninyo na may mabuting masabi tungkol sa inyo, magsalita kayo ng mabuti sa ibang tao. Pagpalain ninyo ang iba, at samantalang pinagpapala ninyo ang iba, pinagpapala ninyo ang Diyos. Sapagkat ang sabi ni Jesus, “Yamang inyong ginawa sa isa rito sa Aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa Akin ninyo ginawa.” [2]   

            Sinabi ni Jesus na sa araw na iyon ay paghihiwalayin Niya ang mga tao na tulad sa mga tupa at mga kambing, at sasabihin Niya sa mga kambing, “Tumayo kayo sa gawing kaliwa,” at sa mga tupa, “Tumayo kayo sa gawing kanan.” (Mat. 25:37-40). At ang sabi Niya sa mga kambing, “Magsilayo kayo sa Akin, sapagkat Ako’y nagutom at hindi ninyo Ako pinakain. Ako ay nasa kulungan at hindi ninyo Ako dinalaw. Ako ay hubad, at hindi ninyo Ako binihisan. Ako ay nauhaw, at hindi ninyo Ako pinainom. Ako ay maysakit at hindi ninyo Ako dinalaw. Kaya magsilayo kayo sa Akin.” At sa mga tupa, ang sabi Niya, “Ako ay nagutom at pinakain ninyo Ako. Ako ay hubad at binihisan ninyo Ako. Ako ay maysakit at pinaglingkuran ninyo Ako.” At pansinin, huwag ninyong palampasin ang bagay na ito, iglesia. Panatilihin ninyo ito sa inyong mga puso. Ang bagay na ito ay ginagawa nang hindi namamalayan. Hindi ito ginagawa ng mga tao bilang isang katungkulan. Ang isang tao na nagbibigay sa inyo ng isang bagay dahil kailangan niya itong gawin, ang isang tao na nagpapakain sa inyo dahil kailangan niya itong gawin, siya’y may kaisipang makasarili. Dapat sana ay ito mismo ang iyong pinakabuhay, gawa mo ito mismo.

            Napakalaking sorpresa nito sa mga tupa na ang sabi nila, “Panginoon, kailan Ka nagutom at pinakain Ka namin? Kailan Ka nagutom, at pinakain Ka namin? Kailan Ka naging hubad, at binihisan Ka namin? Kailan Ka nauhaw at pinainom Ka namin? Kailan Ka nagkasakit, at pinaglingkuran Ka namin?” Naging napaka-otomatiko nito, bunsod ito ng pagibig, ito’y buhay na ipinamumuhay nila.

            Ang Diyos, hinahayaan Niyang makita natin kung ano ang ginawa ng Kalbaryo sa atin. Otomatiko lamang ito, “Nasaan Ka noon Panginoon, hindi namin namalayan ang bagay na iyan.”

            Masdan ninyo ang sabi ni Jesus paglingon Niya, “Yamang ginawa ninyo  sa mga ito, ginawa na ninyo sa Akin.” Buhay na hindi makasarili, hindi pangalawang isip, hindi na ito pinagisipan pa; at ikaw ay patay na sa mga bagay ng sanlibutan, at buhay na buhay kay Cristo, at naglalakad sa malaking daan (Isaias 35:8), na ang mga bagay na ito ay otomatiko lamang. Basta mo na lamang ito gagawin. [1]

            At makakatulong lamang ako sa inyo, kung paniniwalaan ninyo ako, na nagsasabi ako ng totoo tungkol kay Jesus Cristo, iyan lamang ang tanging paraan upang dumating ang saklolo.

            Kung hindi ako naging ministro, duktor sana ang gusto ko, o anomang katulad niyan, upang sa pamamagitan nito ay makatulong ako.

            Isang batang lalaki ang naghintay sa atin kaninang umaga, nung maubusan ako ng gasolina. Nagaaral siya ng pagkaduktor. at sinabi ko sa kaniya kung sino ako. Ang sabi ko, “Ginoo, kung hindi rin lang magiging ministro ang anak ko, gusto ko sanang maging isa siyang duktor. Gusto ko naman maging nars ang mga anak kong babae.”

            Hindi lamang ninyo nalalaman ang kagalakang dulot nito, ang magsakripisyo upang makatulong sa iba. Tunay na magkakamit ka ng kagalakan kapag nakatulong ka sa iba. At batid kong nalalaman ninyo ang sinasabi ko (Kawikaan 11:25). [3]

            Pinananatili kong maliliit lamang ang aking mga pagtitipon at iniiwasan ko hangga’t maaari ang malalaking mga pagtitipon at lahat na. Wala akong programa sa radio, telebisyon. Hinahayaan ko lamang itong magpatuloy. Kita n’yo? ‘Pagkat hindi ko nais na magkaroon ako ng isang larawan sa sanlibutan. Ang nais ko ay maging lingkod ng Diyos na ipapangusap lamang kung ano ang nais Niyang ipangusap ko. Kita n’yo? At salitain kung ano ang nais Niyang salitain ko, upang pagdating ko roon sa araw na iyon, nais kong marinig na sabihin Niya, “Napakainam ng ginawa mo.” (Mat. 25:23). Iyan ang nais kong marinig. Iyan ang dahilan kung bakit ako nabubuhay. Kung hindi dahil sa bagay na iyan, hindi ko magagawang iwanan ang munti kong mga anak na naroon sa gabing ito at nagiiyakan dahil sa akin. Kita n’yo? Dapat sana’y naroon ako kasama nila. Narito ako upang makatulong sa iba sa ikaluluwalhati ng Diyos. [4]

            Sa paniwala ko ay itinuturing ito ng Biblia bilang isang uri ng kaloob, subalit maging anoman ito, maliit na bagay lamang ito at hindi ito ang importante (I Cor. 12:28). Ang mahalaga ay ang magagawa natin sa isang tao upang higit na mapalapit siya sa Diyos. [5]

            Ang mga kapangyarihan at kaloob ng Diyos ay hindi upang ipagpasikat lamang. Ang mga ito ay ginagamit upang makapaglingkod sa Diyos (I Pedro 4:10-11). Ang mga ito’y sa ikaluluwalhati ng Diyos upang makatulong sa iba, hindi lamang upang lumabas na tila baga isang damit na tinatakan na nagsasabi, “Ako, ay dakila…” hindi ganiyan ‘yon. Kapag ginagawa iyan ng isang tao, maliit ang tingin ko sa kaniya. Sino ba ang dakila? Isa lamang, ang Diyos. [6]

            Ngayon, mga kaibigan, wala itong kinalaman sa akin o sa sinomang indibiduwal. Nagsusumikap ako na gawin ang lahat ng nalalaman ko upang magaanan kahit na bahagya ang buhay ng aking kapuwa tao: upang maakay sila na sumampalataya sa Panginoon, upang maipanganak na muli sa Espiritu Santo; at ang manalangin sa mga maysakit sa panahon na sila’y nangangailangan; at matulungan sila, na higit na maging maaluwan ang buhay.

            Hinihiling ko sa inyo na naririto sa gabing ito, bilang matalik kong mga kaibigan kay Cristo Jesus, na samahan ninyo akong manalangin sa panahong ito. Hindi ako naparito sa isang palabas sa ibabaw ng entablado. Naririto lamang ako upang gawin ang aking makakayanan upang higit na maging magaan ang buhay, at upang higit na paligayahin ang mga tao, upang makaakay ng mga kaluluwa kay Cristo. [7]

            Yakapin natin ang isa’t isa at sabihin natin, “Maging magkakapatid tayo; tulungan natin ang iba. Pagaanin natin ng bahagya ang buhay ng iba. Ang mga taong ito ay hindi na gasinong magtatagal pa sa dakong ito. Sikapin nating maging magaan ito ng bahagya sa kanila. Kung ang mga osteopathic, chiropractor, o maging anoman ito, kung makakatulong ito sa inyo, magptuloy kayo at gawin ninyo ang bagay na ito; mabuti ang bagay na iyan. Bigyan ninyo ng papuri ang Diyos.” Eksakto talaga ‘yan.

            Kung may isang tao na darating na may taglay na kaloob ng pagpapagaling, pananampalataya, aba, huwag ninyong bigyan ng papuri ang tao; ibigay ninyo ang papuri sa Diyos (ICor. 4:7; II Cor. 10:17-80). Kung maisasaayos ng isang duktor ang nabali ninyong braso, at ito ay maisauli sa dati, maituwid ito ng husto, at pagalingin ito ng Diyos, bigyan ninyo ng papuri ang Diyos. Tama ‘yan. Kung ang chiropractor… Kung nalihis ang inyong gulugod, kung maitutuwid niya ang inyong likod at magawa niya kayong palakarin muli, bigyan ninyo ng papuri ang Diyos, huwag ang tao. Kita n’yo? Magsamasama tayo. At ang lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. “Ang lahat ng mabuti at sakdal na mga kaloob ay nagmumula sa Diyos,” tanging sa Diyos lamang. (Santiago 1:16-17). [8]

            Ngayon, ang mahalaga rito, sa aking palagay, kung tama ang ating mga motibo, at tama ang ating puso sa mga tao, kinakailangang magsamasama tayong gumawa upang matulungan natin ang mga kapuwa tao natin, upang higit na maging magaan ang buhay nila. Kung magkagayon ay hindi pansarili ang inyong mga motibo. Opo. Oh, hindi tayo nararapat na maging makasarili; ito ay magiging sakdal. [9]

            Naririto ako upang tulungan kayo. At kung hindi ko kayo matulungan, o wala man lamang akong magawa upang maging magaan nang bahagya ang dalahin sa buhay ng mga Cristiano, at maakay ang isang makasalanan kay Cristo, isa akong ganap na bigo sa Kaharian ng Diyos. At totoo na nais kong maging isang pagpapala sa Diyos, dahil Siya ang ating kalakasan at buhay at saklolo. (Awit 27:1). [10]

            Ang isang tao na nabubuhay sa kaniyang sarili, ay namumuhay ng makasarili. Kinakailangang tayo ay mabuhay para sa iba: “Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.” (Gal. 6:2). At kinakailangan nating magkaroon ng damdamin sa isa’t isa. Samakatuwid, kapag ginawa mo ang lahat ng nalalaman mong gawin, kapag mahihiga ka na sa gabi, aba, mayroon kang kapanatagan dahil batid mo na pinagsikapan mong gawin ang pinakamainam na bagay.

            Hindi ko magagawang mapaniwala ang lahat. Imposible ang bagay na iyan. Hindi nga nagawa ni Jesus ang bagay na iyan nung narito Siya sa ibabaw ng lupa. At nalalaman ko na kakaunti lamang ang sasampalataya (Mat. 7:13-14; II Tes. 3:1-2). Subalit kung mayroon din lamang akong maidaragdag upang makatulong sa Ebanghelyo, iyan ang aking hangarin samantalang narito ako, ang makatulong sa tao. [11]

            Totoong  pinahahalagahan ko kayo at mahal ko kayo sa pamamagitan ng Cristianong pagibig. Kung may magagawa akong pabor sa inyo, tawagan ninyo ako, o kaya’y sulatan ninyo ako. Gagawin ko ang lahat sa abot ng makakayanan ko upang maging magaan ang buhay para sa inyo, at bahagyang pumatag ang mga bakubakong dako. Anomang oras na maaari ko kayong ipanalangin o dili kaya’y may magagawa ako sa inyo, ipaalam ninyo sa akin. [12]

            Ngayon, Siya ay ang Bato noon (I Cor. 10:1-4). Hinampas Siya ng Diyos para sa atin, at nagkaloob Siya ng saganang tubig na dalisay at malinis. Ginagawa pa rin Niya ang bagay na iyan ngayon sa lahat ng sumasampalataya (Juan 7:37-39). Ito ang Kaniyang biyaya, siyanga, sa Kaniyang bayan, sa atin.

            Kung paguusapan ang bayang Israel sa exodo: May isang bagay doon na katulad ng mga tao sa ngayon, nakahanda nilang tanggapin ang lahat ng maaari nilang makuha, subalit ayaw nilang magsauli ng paglilingkod. Handa na ang Israel na uminom ng tubig mula sa bato. Subalit ayaw nilang ipagkaloob sa Diyos ang paglilingkod na nararapat sa Kaniya.

 At sa tuwina ay nagkakaloob Siya sa atin ng paglilingkod. Nalalaman ninyo na hindi nga tayo maaaring huminga kundi sa pamamagitan Niya, hindi natin magagawang huminga kundi sa pamamagitan ng paglilingkod ng Diyos. Ganiyan tayo nakadepende sa Kaniya. Sa kabila nito, halos madurog tayo kapag—kapag gumagawa tayo ng isang bagay para sa Diyos;  hinihiling Niya na gumawa tayo ng isang bagay, humanap tayo ng isang tao, ipanalangin natin siya, tulungan natin ang iba. Halos ikamatay natin para gawin ang bagay na ito. Ayaw nating gumawa ng isang bagay na paglilingkod ukol sa Kaniya. (Mark 14:6-9). [13]

            Ilang araw pa lang ang nakalipas nakaupo akong nakikipagusap sa isa kong tapat na kaibigan dito sa bayan, isa siyang duktor medical, si Sam Adair. At ang sabi niya, “Kumusta ka na, Bill?”

            Ang sabi ko, “Oh, mabuti naman, sa aking palagay, Doc.” Ang sabi ko, “Ikaw ba?” At ang sabi niya, “Naku, napakaraming pasyente.” Sabi niya, “labinlimang pasyente ang ineksamen ko ngayong hapon.”

            Ang sabi ko, “ Aba, mabuti kung pagsusuri lamang at pagtuklas kung ano ang karamdaman.” Ang sabi ko, “Alam mo, ang…” humantong kami sa paguusap tungkol sa aming kabataan. Ang sabi ko,” Buweno, Doc, hindi ko alam kung gaano pa ako katagal mamamalagi rito. Kapuwa tayo nasa singkuwenta anyos na.”

            Ang sabi niya, “Totoo ‘yan, Bill.”

            Ang sabi ko, “Subalit sa loob ng mga taong ito, magtatatlumpong taon na ako sa ministeryo ngayon, napanatili kong handa ang aking puso sa oras na iyon ng pagdating Niya. Kaya hindi na mahalaga kung kailan Siya darating.”

            Kaya ang sabi niya, “Totoo ‘yan”

            Ang sabi ko, “Ang pinakadakilang bagay sa akin ay ang mabuhay para sa iba.”

            Ang sabi naman niya, “Nagkakaroon ng tunay na kabuluhan ang buhay, hindi dahil sa mga bagay na nagagawa at natatamasa mo sa iyong sarili, kundi sa mga bagay na nagagawa mo sa iba.”

            Kita n’yo, iyan ang magpapatunay na ikaw ay totoong buhay. At kung mangyari na may isa rito sa ating kalagitnaan na hindi ginagawa ang bagay na iyan—na hindi pa nasubukang mabuhay para sa iba—subukan ninyo. At matutuklasan ninyo na may higit na dakilang buhay na nakalaan sa inyo dahil hindi kayo naghahangad ng mga bagay mula sa buhay na ito, bagkus ay kung ano ang maipagkakaloob ninyo sa iba. At matutuklasan ninyo na higit pala itong pagpapala kaysa mga kayamanan o anopamang bagay na maiisip ninyo, ang mahalaga ay kung ano ang magagawa natin sa iba upang maging magaan ang buhay nila… Ang totoo, ang buhay mismo ay isa nang pasanin. At magiging magaan ito sa iba. Hindi ninyo masusukat ang kagalakang dulot nito malibang masubukan ninyo minsan, ang gumawa ng isang bagay para sa iba.

            Pagkatapos nito ay naalala ko ang tatlumpu’t isang taon (malapit na ‘yan) ng aking ministeryo sa Panginoon. At sa palagay ko bawat tao magkaminsan ay nagiisip kapag naabot na niya ang dulong bahagi ng kaniyang paglilingkod at binabalik tanaw ang mga bagay na nagawa niya, suriin mo ang mga bagay bagay na naganap, kung mayroon ka bang nagawa. At tulad ng kasasabi ko pa lamang, ang mahalaga ay kung ano ang nagawa mo sa iba.

            Madalas pinagiisipan ko kung ano ang magaganap kapag nasa dulo na ako ng daan, kung saan hindi natin nalalaman kung kailan ito darating, walang nakakaalam sino man sa atin. Kaya nagbabalik tanaw ako sa bakas ng buhay na pinagdaanan ko, at nakikita ko ang iba’t ibang bulubundukin, at mayayabong ng mga puno at mga batuhan, at lubaklubak na dako at ang maiinam na takbuhin, at kung ano ang aking ginawa nung mga panahong iyon. Isa sa mga araw na darating ang lahat ng ito ay ipapamalas sa oras ng aking paglisan. At iyan ay magaganap sa bawat isa sa atin. Nakakatiyak tayo sa bagay na iyan, na iyan ay ipapamalas sa bawat isa pagdating ng oras na iyon. [14]

            May nagsabi, “Paano mo nagagawang tumayo at hinahayaan mo silang tawagin ka ng kung anu anong masamang pangalan?” Hindi ka nabubuhay sa iyong sarili. Nabuhay ka para sa iba upang matubos mo ang taong iyon. Isa kang anak na lalaki. At ang problema sa iglesia nakalimutan na nila na sila ay mga anak. Kayo ay mga anak. Kinukuha ninyo ang lugar ni Cristo. Kayo ay mga anak; kaya huwag kayong mabuhay para sa inyong mga sarili; mabuhay kayo para sa iba!

            “Buweno, Brother Branham, magagawa kong mabuhay para sa kapatid na ito dahil tunay na mabuti siyang tao.” Hindi ganiyan. Mabuhay kayo para sa taong iyon na namumuhi sa inyo (Mat. 5:43-48). Mabuhay kayo para doon sa mga taong papatayin kayo kung may pagkakataon sila. Iyan ang ginawa nila sa Kaniya. Pinatay nila Siya, at Siya ay namatay upang mailigtas Niya sila. Iyan ang Buhay na Walang Hanggan. Kapag iyan ang nasa inyong mga dibdib, nakaharap na kayo sa langit. Ngunit kinakailangang isakripisyo ninyo ang inyong mga pagaari, isuko ninyo ang mga bagay na ito tulad ng tupa na ipinagkakaloob ang kaniyang balahibo. Tumingin kayo sa Kalbaryo. [1]

 

 

Reference:

[1] “That Day On Calvary”, pg. 15-16

[2] “Our Hope Is In God” (51-0929), par. E-4 – E-5

[3] “Jesus Christ The Same” (55-0929), par. E-14

[4] “Abraham” (56-1208), E-73

[5] “Balm In Gilead” (61-0218),par E-4

[6] “Be Not Afraid” (61-0224), par. E-29

[7] “Sirs, We Would See Jesus” (54-0328), par. E-31 / E-5

[8] “Shepherd Of The Sheepfold” (56-0403), par. E-30

[9] “Teaching On Moses” (56-0513), par. 35

[10] “Voice Of The Sign” (64-0214), par. 3

[11] “At Thy Word” (50-0714), par. E-3

[12] “It Is I” (61-0517), par. E-6

[13] “Broken Cisterns” (64-0726E), par. 98-100

[14] “Revelation Ch. 5 Pt. 1, Bruised Serpent” (61-0611), par. 12-20

 

Espirituwal na Batong-Patibayan Blg. 181 mula sa Ipinahayag na Salita sa oras na ito, tinipon ni: Brother Gerd Rodewald, Friedenster. 69, D-75328 Schomberg, Germany

www.biblebelievers.de, Fax: (+49) 72 35 33 06

May isang taong darating na may dalang Mensahe na galing mismo sa Biblia, at isang mabilis na pagkilos ang lalaganap sa mundo. Ang mga binhi ay malalathala sa mga pahayagan, babasahin, hanggang sa Ito ay marinig ng bawat predestinadong Binhi.

[Bro. Branham sa,  Conduct-Order-Doctrine”, pahina 724]