Spiritual Building-Stone No. 198

Ang Kadakilaan ay Naipapahayag sa Pagpapakumbaba

Kawikaan 15:33, “Ang pagkatakot sa Panginoon ay turo ng karunungan; at sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.”

Pakinggan ang sabi ng Propeta ng Diyos tungkol sa bagay na ito.

            Ang pagpapakumbaba ay isang daan tungo sa tagumpay. [1]

            Maghintayan kayo sa isa’t isa. Paglingkuran ninyo ang bawat isa. Huwag ninyong ituring na higit kayong malaki kaysa sa iba. Sikapin ninyo na maging maliit hangga’t magagawa ninyo.
Kalimitan ay naririnig ko, na sinasabi, “Huwag kayong maging malaki sa sarili ninyong paningin.” Kung kayo nga ay malaki, hayaan ninyo na ito ay sa paningin ng Diyos. Maging maliit lamang kayo sa sarili ninyong paningin. Ang sinomang nagpapakababa ay itataas ng Diyos. Subalit ang mga nagmamataas ay ibababa ng Diyos. Kita n’yo? Maging maliit lamang kayo. [2]

            Kaya nga hindi ninyo kailangang maging mayaman at makapangyarihan sa sanlibutang ito upang kayo ay maging dakila sa paningin ng Diyos. Ang kailangan lamang ay magpakumbaba kayo sa inyong puso. Iyan ang tinatawag na kadakilaan Diyos. Siya na may kakayanang magpakumbaba ay tunay na dakila. Ang dakilang tao ay iyong may kakayanang maipataw sa kaniyang sarili ang lahat ng sisi, siya na may kakayanan mapagpakumbaba. Iyan ang kadakilaan. [3]

            Kapakumbabaan, ang daan pababa sa tuwina, ay ang daan pataas. “Sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas. Ang sinomang nagmamataas ay mabababa.” (Mat. 23:12). Ang daan pababa ay siyang daan pataas sa isang mananampalataya, ibinababa niya ang kaniyang sarili sa harap ng Diyos.
Nakatagpo ni Jesus ang lahat ng uri ng tao. Nakipagkatipon Siya sa malalaking kalipunan. Minsan ay libulibo ang kasama niya, minsan naman ay limandaan, minsan ay labindalawa, minsan ay tatlo, at minsan nga ay kahit isa lamang. Diyan Siya naging dakila. Naging isa Siyang Diyos dahil sa Kaniyang kapakumbabaan. [4]

            Ngayon, sa magkabilang panig, kung mapapansin ninyo, nagpasimula ang mga ito sa Genesis na relihiyoso. Sa magkabilang panig, isa sa kanila ay maka-denominasyon, mapagmataas, samantalang ang isa naman ay mapagpakumbaba, lumalakad sa Espiritu sa pamamagitan ng kapahayagan. Paano nalaman ni Abel na ito ay isang kordero sa halip na mga prutas sa parang? Sapagkat nahayag sa kaniya ang bagay na ito sa pamamagitan ng Makalangit na kapahayagan (Gen. 4:3-7).
Ganito rin ang sinambit ni Jesus kay Pedro nung ipahayag niya na Siya ang Anak ng Diyos. Ang sabi Niya, “Hindi ipinahayag ito sa iyo ng laman at ng dugo, kundi ng Aking Ama na nasa langit. Sa ibabaw ng batong ito (Sa bato, hindi kay Pedro, hindi kay Jesus, bagkus ay sa ibabaw ng Makalangit na kapahayagan) ay itatayo ko ang Aking iglesia at ang mga pintuan ng hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.” Nakuha ba ninyo? Ito’y Makalangit na kapahayagan (Mat. 16:13-19). [5]
Ano nga ba ang ginagawa ng denominasyon? Itinataas nito ang kaniyang sarili tulad ni Lucifer (Ezek. 28:11-19). Tinatawag rin nila ang kanilang sarili na iglesia, ang nobya, sila iyong tinutukoy sa Apocalipsis 17, ang bulaang nobya. Iniisip ni Lucifer na nakahihigit siya sa munting kawan ni Cristo, sa Nobya (Isaias 14:12-15) at itinitaas niya ang kaniyang sarili ng higit sa mapagpakumbabang Katotohanan ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng karunungang mula sa kapahayagan, sa kabalintunaan ay ipinupuwesto ang sarili niya sa pamamagitan ng edukasyon at teolohiya sa seminaryo, hanggang sa humantong sila sa isang kaisipan, na kung hindi ka kabilang sa kanilang grupo ay isa kang ligaw.
Katulad ng ginawa ni Lucifer sa pasimula, kung ano ang sinabi niya noon kay Eva ay gayon din ang sinasabi niya sa mga tao sa ngayon: “Tiyak na tatanggapin tayo ng Diyos; pakanin natin ang mga mahhirap (Mabuti ang bagay na ito.). tiyak ngang tatanggapin Niya tayo; tayo ay isang malaking denominasyon; tayo ay isang magandang iglesia. Aba’y, masdan ninyo ang malalaki nating mga gusali. Masdan ninyo ang napakarami nating miyembro. Milyun milyon na tayo. Tiyak na hindi magagawang tanggihan ng Diyos ang grupong iyan..” katulad ng ginawa ni Cain noon, dinala niya ang mga nagpipintugang mga prutas mula sa lupang binungkal niya, at pinagpagalan niya, at trinabaho niya, at dinala ang mga bunga nito matapos niyang tanggihan ang abang dugo ng kordero.
Kahabagan nawa ng Diyos ang mga tao na huwag nilang isipin na sinasaysay ko ang mga bagay na ito upang itaas ang isang bagay o anomang personal na kapahayagan. Sinasabi ko lamang sa inyo ang Katotohanan. Hindi ba ninyo nakikita ang ginagawa nila? Oo nga’t sinasabi ko sa inyo ang bagay na ito ng pasigaw at may kagaspangan, subalit kailangan mong pukpukin ang pako dahil kapag bumaon ito ng husto tsaka lamang ito nagdudulot ng kabutihan, kailangang maunawaan ninyo ang bagay na ito. Kita n’yo? [6]

            Ngayon, nalalaman ba ninyo kung bakit napakarami na nating denominasyon? Nakikita ba ninyo ang dahilan kung bakit labis tayong nalilito, ang isa ay ganito ang paniniwala samantalang ang isa naman ay ganiyan? Sapagkat ang espirituwal na ipinahayag na Katotohanan ay tanging sa Diyos lamang nagmumula. Ang Salita ay inilihim sa mga pantas at matatalino (Mat. 11:25-27). Iyan ang sabi ng Diyos. At ipinahayag Niya ang bagay na ito sa mga sanggol sapagkat siyang nakalulugod sa Kaniya. Kaya nga maging mga sanggol kayo, ibaba ninyo ang inyong mga sarili, at sabihin, “Oh, Diyos, narito ako. Ipahayag Mo ang Iyong Sarili sa akin. Iniibig Kita.” Ipapahayag ng Diyos ang Sarili Niya sa iyo; ipapakilala Niya ng lubos ang Sarili Niya sa iyo. Nakikita ba ninyo ang bagay na ito? [7]

            Mayroon tayong mga teologo ngayon; mayroon tayong mga Doctor of Divinity; mga dakilang lalaki sa buong mundo na mahuhusay, matatalino, at edukado. Subalit ang kailangan ay kasimplehan sa pananampalataya sa Diyos upang lumutang ang Salita Niya at sa gayon ay maipamalas na si Jesus Cristo ay Siya ring kahapon, at ngayon, at magpakailan man. Kailangan ng isang mapagpakumbabang puso na nakatalaga sa Diyos, upang mahatak si Jesus Cristo sa pangkasalukuyang panahon. Amen. Kung isang teologo lamang ang kailangan, paano na ang katayuan ng mga Presbyterian, Methodist, Baptist, Catolico, at lahat na, lalo na tayong mawawalan ng pagkakataon na mahihirap at walang mga aral. Subalit hindi karunungan ang siyang mahalaga. “Hindi sa pamamagitan ng kalakasan, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng Aking Espiritu,” ang sabi ng Diyos, “Ibubunyag Ko ang hiwagang ito.” (Zech. 4:6-7). At kaniyang isisigaw, “Biyaya, biyaya, na may hiyawan.” Iyan ang kalagayan sa araw na ito: ang kamanghamanghang biyaya ng Diyos sa mga tao. Ang pagkuha Niya sa isang taong di-edukado, walang aral, ay pagpapamalas na si Jesus ay hindi nagbabago. [8]

            Nakikita ng mga teologong ito ang Biblia; binabasa nila ang bagay na Ito, subalit hindi nila tinutupad ang bagay na Ito. Kita n’yo? Inilalantad lamang nito ang binhi ng serpente (Gen. 3:1-7; 4:1-7). Nasasaksihan nila na binibindika ang bagay na ito, sa kalagitnaan ng mga tao, subalit tila baga napakahirap sa mga taong ito na magpakumbaba sa Salita ng Diyos.
Hindi ba ninyo napupuna, kapag nangungusap kayong mga may edad na babae sa mga kadalagahan, tungkol sa pagpapahaba ng buhok, ang tanong nila, “Bakit mahaba ang inyong buhok?” (panata iyan ng isang Nazareo sa Salita). Kita n’yo? “bakit nagsusuot kayo ng mahabang palda?” kapag ipinaliwanag mo naman ang bagay na ito sa kanila, magkikibit balikat lamang sila. Hindi ba tama ang bagay na iyan? Kita n’yo, nalalaman nilang tama ang bagay na ito, kung may katangian sila ng isang babae. Kita n’yo? Batid nilang tama ang bagay na ito. Subalit, makikita mo, na hindi nila magawang makapagpakumbaba sa bagay na iyan.
Tignan ninyo ang ginawa ni Cain? Hindi niya nagawang makapagpakumbaba sa binindikang Salita ng Diyos. Hindi niya nagawa ang bagay na ito.
Oh, maging ang mga Pentecostal ay nagsasabi, “Buweno, luwalhati sa Diyos, Aleluya. Nagpapaputol ako ng buhok ngunit nagsasalita naman ako ng mga wika.” Pagpapakita lamang iyan na may isang bagay na mali; ipinapamalas lamang ng binhi na may kakaibang bagay sa loob nito.
Ang isang Binhi ng Diyos ay hindi kailanman magluluwal ng isang babaeng pudpod ang buhok. Hindi niya ito magagawa, sadyang hindi, ‘pagkat iyan ang sabi ng Biblia (I Cor. 11:1-16). Hindi nito ito magagawa. Hindi po. Ngayon, tila baga napakahirap magpakumbaba sa Salita ng Diyos. [9]

            Hindi ba’t iyan ang ginagawa ng mga tao sa ngayon? Mangyari lang na pagpalain ng Diyos ang isang lalaki at pagkatiwalaan siya ng bahagya, at aasta na lamang siya na animo’y nalalaman na niya ang lahat ng bagay. Magtatayo siya ng isang organisasyon, o dili kaya’y maglulunsad siya ng isang bagay na kakaiba. “Ano’t nahulog ka mula sa langit, O Lucifer.”
Nahihirapan ang Diyos na kumuha ng isang tao na magagamit Niya, na mananatiling mapagpakumbaba, at maamo, at mananatili sa isang dako hanggang sa siya ay tawagin ng Diyos na gumawa ng isang bagay (naniniwala ba kayo riyan? Kita n’yo?, isang lalaki na pagpapalain ng Diyos at sa kabila nito ay mananatili pa rin siya na isang tao, at hindi isang anghel o isang diyos. Kalimitan kapag pinagpala na ng Diyos ang isang tao at pinagkalooban siya ng isang munting bagay, nais na niyang maging isang diyos; nais na niyang maging isang anghel. Nais na niyang maging isang dakilang personalidad. “Ito ang ginawa ko, ang… Ako at ako at akin…” lahat ng iyan. Maling ugali iyan. Naghahanap ang Diyos ng isang tao na magagawa Niyang pagpalain at ibuhos Niya sa kaniya ang lahat ng biyaya, at samantalang pinagpapala Niya siya, ay lalo naman siyang nagiging maliit.
At hindi mo lubos na matatanggap ang Diyos ng higit kaysa dati kung nagmamalaki ka. Kailangang paliitin mo ang iyong sarili. Sinomang nagmamataas, ay ibaba ng Diyos. Sinomang nagpapakababa ay itataas ng Diyos (I Pedro 5:5-7). Kailangan mong maging maliit bago ka maging malaki. At hindi mo magagawang maging malaki sa pamamagitan ng iyong sarili; magiging malaki ka lamang sa paraan na lumalaki ang Diyos sa kalooban mo. Kita n’yo? [10]

            Nagkaroon ako ng pribilehiyo na makatagpo ang mga dakilang tao. Ang mga taong tinutukoy ko ay iyong mga taong gayon na lang kung magpalit ng damit samantalang limampung sentimo lamang ang nasa bulsa nila at—akala mo kung sino umasta, iyan ay ang mga taong ang palagay ay kung sino na sila ngunit wala naman silang binatbat. Subalit nakasalamuha ko ang mga dakilang tao, ang tinutukoy ko, ay tunay na dakilang tao, na nakalilis ang mga manggas; datapuwa’t nagagawa nilang iparamdam sa iyo na ika’y isang dakilang tao. Kita n’yo, ang kadakilaan ay kapakumbabaan. Huwag ninyong kalimutan ang bagay na iyan, iglesia! Ang kadakilaan ay naipapahayag sa pamamagitan ng pagpapakumbaba (Isaias 57:15), hindi kung gaano ka kapino… Hindi naman marungis ang ibig kong sabihin; ang ibig kong sabihin ay mapagpakumbaba sa espiritu. Kita n’yo? Hindi ko sinasabing basta ka na lamang lalabas na hindi man lamang nagbibihis ng maayos. Kailangang gawin mo ang bagay na iyan; alam n’yo naman ‘yan. Kita n’yo? Ngunit nangungusap ako tungkol sa kapakumbabaan, sa tunay na kahulugan nito, hindi lamang isang bagay na pakunwari, bagkus ay isang tunay na kapakumbabaan. [1]

            Ilagak ninyo ang Salita sa inyong puso; hayaan ninyong pumasok ang Espiritu at masdan ninyo kung paano kumilos ang Salita. Manampalataya kayo, magpakumbaba kayo; huwag ninyong hangarin na maging isang bantog; magpakababa lamang kayo, upang gawin kayong dakila ng Diyos. Kita n’yo? Tama. Gawin niyo ang bagay na iyan ngayon. [12]

            Kahit na ano pang katuruan ang taglay ninyo, magagawa ninyong saloobin ang bagay na iyan. Ang Diyos ay wala sa mapanghikayat na mga salita; ang Diyos ay nananahan sa isang tapat na puso. Maaari kang umawit o mangusap ng mga salita, na halos ay hindi ko na maunawaan; hindi iyan makapagpapalapit sa iyo sa Diyos. Magagawa mong tumayo at sanayin paulit ulit ang iyong sermon at makapangaral ka ng mga bagay bagay; hindi iyan makapagpapalapit sa iyo sa Diyos. Magagawa mong kabisaduhin ang mga diksyunaryo sukdulang itabi mo na ito sa iyong higaaan, gayonman ay hindi pa rin ito makapagpapalapit sa iyo sa Diyos. Isang pusong nagpapakumbaba at nagpapasakop na may kasimplehan, ang siyang nagdadala sa iyo sa Diyos (Santiago 4:6-10). Totoo ‘yan. Amen. Isang pusong mapagpakumbaba, ang iniibig ng Diyos. Ngayon, hindi mahalaga kung nalalaman mo ang iyong abk, walang pinagkaiba iyan. Sa isang pusong nagpapakumbaba lamang nananahan ang Diyos, hindi sa edukasyon, hindi sa mga paaralan, hindi sa mga teologo, mga seminaryo, hindi sa lahat ng iba’t ibang mga dako na ito, hindi sa mahuhusay na pananalita, ni hindi sa magagarang mga lugar. Ang Diyos ay nananahan sa puso ng mga tao. At habang nagpapakababa ka, nagiging simple, diyan ka nagiging dakila sa paningin ng Diyos.
Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa. Nakikita ko na ang inyong mga bukirin dito ay punungpuno ng mga trigo. Ang isang tangkay na hitik sa mapipintog na trigo ay yumuyuko. Ang isang tangkay naman ng mga ipa, ay namamayagpag na tila nalalaman ang lahat ng bagay, ang totoo walang laman ang mga ito sa loob. Iyan ang kalagayan ng karamihan sa mga lalaking ito na nagdudunung dunungan na tila kargado ang kanilang mga ulo, samantalang hindi naman ito nananahan sa kanilang mga puso. Ang isang ulo na puspos ng kabanalan ay yuyuko sa isang kapangyarihan, kikilalanin nito si Jesus Cristo bilang Anak ng Diyos, at sasampalatayan niya ang Kaniyang mga gawa. [13]

            Alalahanin, iyan ang unang himala na naganap sa isang Gentil (Tama ‘yan.), ang pagpapagaling sa babaeng sirofenisa na iyon. Tama ‘yan. Tama ang paraan ng paglapit niya sa kaloob ng Diyos. Tama ang pananampalataya niya sa Salita, may pitagan, at kapakumbabaan. Kita n’yo? [14]

            Pansinin n’yo ang mahaba niyang buhok, panata ng isang Nazareo sa Salita. Ngayon, ang hamak at mapagpakumbabang Nobya ni Cristo ay nananampalataya sa Salita, maging sino pa man Siya; ito’y mga indibiduwal. At umaasa ako na ang aking sarili at maging kayo man ay bahagi ng Nobya na iyan. Umaasa ako na maraming… Matutupad ang bagay na iyan, ang lahat ng mga itinalaga sa bagay na iyan ay magiging ganiyan nga, ‘pagkat iyan ang kanilang kalikasan. Kita n’yo, tanging ang Salita lamang ang makakakilala sa Salita. Hindi nito kikilalanin ang anomang denominasyon o alin mang kalikuan. Higit ang nalalaman nita sa bagay na iyan; ito’y isang Salita. Kita n’yo? Wala itong ibang kikilalanin… Ang isang trigo ay mananatiling trigo kailan pa man. Nagpasimula ito na isang trigo; magpapatuloy ito na isang trigo. At ang panirang damo ay hindi kailanman magiging isang trigo, bagama’t ito ay nadidiligan ng isang uri ng pahid. Kita n’yo? Ngunit hindi ito trigo. Tulad ng sabi ko nung isang araw tungkol sa isang puno na may iba’t ibang sanga. [15]

            Naaalala ba ninyo ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel? Nung ikaw ay maliit pa, nung ikaw ay walang taglay na anoman, nung panahon na pinatutulo mo ang iyosng sariling dugo sa parang, walang sinoman na naglilinis sa iyo, kinalinga kita. Noon ay pinaglilingkuran mo Ako. Subalit nung ikaw ay gumulang na at iyong ipinalagay na  mainam na ang kalagayan mo at mapangangalagaan mo na ang iyong sarili, ay iniwanan mo na Ako.” Iyan palagi ang kanilang ginagawa.
Si Uzzia (ang Hari), isa siyang dakilang lalaki (II Chron. 26:1-26), kumapit siya sa Panginoon. Subalit isang araw, matapos na palakasin siya ng Diyos… At siya ay isang dakilang halimbawa kay Isaias na propeta. Ngunit nung siya ay maging malakas, at matatag, at nagsimulang katakutan siya ng mga bansa… Nagtayo siya ng mga moog at nagsimula siya na maging marangya. Nagtiwala siya sa kaniyang sarili. Itinuring ang sarili niya na isa nang dakila. Pagkatapos nito ay pinapelan na niya ang pagiging mangangaral. At binigyan siya ng Diyos ng sakit na ketong, at namatay siya na isang ketongin.kita n’yo? Hindi nararapat na magmataas tayo sa ating mga puso. [16]
Maayos ang kalagayan ng hari hanggang sa masumpungan niya na siya ay kinakatakutan na ng mga bansa. Labis ang naging katanyagan niya; namayagpag ang kaniyang kaharian; at napuno ng pagmamataas ang puso niya. “Isa na akong dakilang lalaki ngayon,” iyon na ang wakas niya. Ang daan pataas ay ang daan pababa. Paano mo malalaman kung alin ang daan pataas o pababa? ‘Pagkat kung ang mundo ay nakalutang sa kalawakan, paano mo malalaman kung alin ang pataas o ang pababa? Kaya nga sa tuwina, ang nagpapakababa, ay siyang itinataas ng Diyos; ang nagmamataas ay ibinababa ng Diyos. Ibabagsak siya ng Diyos.
Manatili kayo sa kababaan, at maging maliit kayo sa inyong paningin. Ano man ang gawin sa inyo ng Diyos, sikapin ninyong maging mababa hangga’t magagawa ninyo sa lahat ng oras. Lalo pa kayong pagpapalain ng Diyos, sikapin lamang ninyo na magpakumbaba sa lahat ng pagkakataon. Magagawa Niya na patuloy kayong pagpalain. Subalit kapag humantong na kayo sa punto na iniisip ninyo, “taglay ko na ang bagay na ito,” hindi mo pa ito taglay, palayo ka na niyan. Tama ‘yan. Kita n’yo? Huhulagpos ang iyong impluwensya. Mawawalan ng lakas ang iyong patotoo.
Kapag kayong mga kababaihan ay nagnasang maging kagaya ng ibang kababaihan, may isang bagay na mali. Kapag kayong mga kalalakihan, kayong mga ministro, ay nagnasa rin na maging katulad ng—katulad ng iba, gayon din kayong mga negosyante kapag nakakita kayo ng umaasenso… Ang pag-asenso ay hindi palaging katunayan ng tagumpay kay Cristo, kalimitan ay kabaligtaran pa nga. Kita n’yo? [17]

            At ang Diyos ay may sariling palatuntunan, at ipupuwesto Niya kayo kay Cristo, kung saan ay iniisip Niya na higit kayong magiging pakinabang sa Kaniya, kung mananatili lamang kayo sa inyong katawagan. Huwag ninyong agawin ang katawagan ng iba. Kung kayo ay ina ng tahanan, manatili kayo sa pagiging ina ng tahanan. Kung saan ka tinawag ng Diyos, manatili ka lamang doon (I Cor. 7:7-24; Ef. 4:1). Nalalaman Niya kung saan ka Niya ilalagay at magagamit ka Niya. [18]

            Oh, kinikilala ng Diyos ang kapakumbabaan. [19]

            Totoo na nagniningning at kumikinang ang malalaking iglesia bunsod ng kanilang mahusay na teolohiya, samantalang ang Kaharian ay nagliliwanag sa pamamagitan ng kapakumbabaan, ng mga taong aba at mapagpakumbaba (I Cor. 4:20). Ang Ebanghelyo ay hindi nagniningning; Ito’y nagliliwanag. Ang pekeng ginto ay nagniningning; ang lantay na ginto ay nagliliwanag. Mayroong pagkakaiba ang liwanag at ningning. Nalalaman natin ang bagay na iyan. [20]

            Alam n’yo, ang nais ng mga tao ay kapangyarihan, at ang totoo ay hindi nila nalalaman kung ano ang tunay na kapangyarihan. Kita n’yo? Hindi nila nalalaman kung ano ang bagay na kaakibat nito. Ang daan pataas sa tuwina ay ang daan pababa. Kung nais mo ng kapangyarihan, sikapin mong magpakababa sa abot ng kaya mo. Lumayo ka lamang sa lahat ng iyong  makasanlibutang pagiisip, at magpakumbaba ka sa harap ng Diyos, at magkakaroon ka ng kapangyarihan ng higit pa sa isang tao na paikot ikot sa isang gusali at gumagawa ng malakas na ingay; sapagkat nagawa mong sakupin ang iyong sarili at magtiwala ka kay Cristo na siyang tanda ng iyong pagpapakumbaba. Iyan ang tunay na kapangyarihan.
Magpakita ka sa akin ng isang iglesia na nagpapakumbaba, tunay na nagpapakumbaba, hindi isang iglesiang arogante, kundi isang kaibig-ibig, at mapagpakumbabang iglesia, sasabihin ko sa iyo na iyan ang iglesia na nagtataglay ng kapangyarihan ng Diyos. Tama ‘yan. Iyan ang bagay na mahalaga, kapakumbabaan, ibaba natin ang ating mga sarili sa Diyos, at hayaan natin na ang Diyos mismo ang siyang gumawa sa atin. Hindi mo kailangang gumawa ng ingay. [21]

            Hindi ako. Kita n’yo? Kailangan mong alisin ang iyong sarili sa larawan. Nangako ang Diyos. Kailangang manatili ng Diyos sa pangakong iyan. Subalit kailangan mong tumabi sa daan. Mayroong nagsasabi, “Mahusay ang isang tao na nagtapos sa ating kolehiyo na may L.L.D.” kapag iyan ang ginawa niya, gumawa lamang siya ng isang patlang palayo sa Diyos.
“Nagagawa ng mga tao ngayon na magpadala ng mensahe,” ang sabi ko, “sa buwan. Subalit hindi niya magawang ipaliwanag ang buhay na taglay ng damo na tinutuntungan niya.” Ang Diyos ay nagtatago sa kapayakan. Kita n’yo? Napakahirap ng magpakasimple sa ngayon. Kapag nagkaroon na ng edukasyon ang isang tao, kamukatmukat mo ay naging sikat na siya at hindi na niya magawang ipagpakumbaba ang sarili niya. Samantalang ang Diyos naman na dakila at nagpapakumbaba at inilihim Niya ang Kaniyang sarili sa mga pantas at matatalino. Pinasalamatan Siya ni Jesus sa bagay na ito (Mat. 11:25).
Ang paraan upang makilala mo ang Diyos ay sa kasimplehan. Ang paraan patungo sa itaas ay pababa. Saan ba naroon ang daan patungo sa hilaga o sa katimugan? Samantalang nakalutang ka sa kalawakan. Kita n’yo? Ang daan patungo sa itaas ay pababa. “Sinomang nagpapakabababa ay matataas; at sinomang nagmamataas ay mabababa.” (Mat. 23:12). Kita n’yo? Kailangang ibaba natin ang ating mga sarili, sa halip na magsikap tayo na malaman ang lahat. Isang bagay lamang ang kailangan nating matutunan. Iwaksi natin ang lahat ng bagay at ituon natin ang ating paningin kay Cristo (Heb. 12:1-3). Kung hindi mo man alam isulat ang pangalan mo, wala iyang kinalaman sa bagay na ito. Itutok mo lamang ang puso mo kay Cristo at sa Kaniyang kalooban, at abangan mo kung ano ang mangyayari. Siyanga. [22]

            Ang Tanda, si Jesus Cristo, ang Espiritu Santo, ay nasa ating kalagitnaan. Kailangang igalang natin ang bagay na iyan. Hindi sapat ang kakayanan natin na magpakumbaba. Hindi ito matatapatan ng paghuhubad ng sapatos o ng pagluhod man, hindi sapat ang bagay na iyan, bagkus ang kailangan ay isang buhay na magpapamalas ng bunga ng Espiritu…
Ngayon, ano ba ang bunga ng Espiritu? Kita n’yo? Pagibig, kagalakan, kapayapaan… (Gal. 5:22-23). [23]

            Ngayon, si Pablo ay binigyan ng karamdaman upang maghinayhinay siya. Pagkatapos na mamatay ni Jesus, at mailibing, at muling magbangon, pagkatapos ng mahabang panahon, nakatagpo siya ni Pablo ng mukhaan sa daan patungo sa Damascus (Mga Gawa 9:1-18). Ang sabi Niya, “Nagmula Ako sa Diyos at nanumbalik sa Diyos.” Tumingala si Pablo; naroon ang isang malaking Liwanag, iyon ay ang Haliging Apoy. Nalalaman ba ninyo ang sinasabi ko? Iyon ay ang Haliging Apoy… kinausap Siya ni Pablo, at tinugon Niya si Pablo,  hindi Siya narinig ng mga tao. Hindi nila Siya narinig, tanging si Pablo lamang ang nakarinig sa Kaniya.
Ang sabi Niya, Saul, Saul, bakit mo Ako pinaguusig?”
Ang sabi niya, sino Ka baga Panginoon?”
Ang sabi Niya, “Ako’y si Jesus. Magtindig ka at pumaroon sa lansangang tinatawag na Matuwid; at doon ay sasabihin sa iyo kung ano iyong gagawin. Mayroon akong propeta na paroroon upang sabihin sa iyo ang iyong gagawin (Kita n’yo?), kung paano…”
Si Pablo… inakay siya, binautismuhan, at tumawag siya sa Panginoon, tinanggap niya ang Banal na Espiritu, at ang sabi ni Pablo, “Mayroon akong karamdaman sa laman na ibinigay sa akin, ng diablo, isang sugo ng diablo upang ako’y tampalin.” (II Cor. 12:1-10). Iyan ay sunud sunod na bayo. Iigi ang kalagayan niya, at pagkatapos ay babalikan siya nitong muli. Ang sabi, “Tungkol dito’y makaitlo akong nanalangin sa Panginoon, upang ilayo ito sa akin, ngunit ang Panginoon nagsabi sa akin, ‘Pablo, ang Aking biyaya ay sapat na sa iyo.’” At ang sabi niya, “At nang ako’y huwag magpalalo ng labis dahil sa kadakilaan ng mga pahayag… (talatang 7). Higit ang taglay niyang kapahayagan kaysa kina Pedro, Santiago, Juan, o maging sino man sa kanila. Nakita niya Siya pagkalipas ng halos dalawang taon o higit pa mula nang Siya ay mawala. Gaano pa kaya Siya kadakila sa ngayon,  matapos ang dalawang libong taon, nananatili pa rin Siyang buhay. Amen.
Ang sabi niya, “Ibinigay sa akin ang bagay na ito, dahil kung hindi ay magmamataas ako, at sasabihin ko ‘Ngayon, kapatid na lalaki, ako’y—higit na magaling sa inyong lahat. Kita n’yo, nakita ko Siya pagkatapos Niyang magbangon mula sa mga patay, at nakausap ko Siya; Ako’y… “Hindi ko magawang magmapuri, sapagkat may isang bagay na ibinigay sa akin upang panatilihin akong mapagpakumbaba.” Kita n’yo? Siyanga. [24]

            Ang diablo ay tunay na tuso at matalino. Nalalaman niyang tumbukin ang isang bagay bago pa man ito magsimula; nalalaman niya ito. Kita n’yo? At ang tanging magagawa mo lamang upang talunin siya, ay ang magtiwala ka kay Cristo at ipagpakumbaba ang iyong sarili at hayaan mo na pangunahan ka Niya. Maliban diyan ay wala ng iba pang paraan na maaari mong gawin (Juan 10:27-30).
Hindi kailanman ito magagawa ng iyong intelektuwal na kapangyarihan. Kailangan mo itong sampalatayanan at magtiwala ka lamang sa Kaniya (Kaw. 3:5-6). Siya ay ang Pastol. Hindi gampanin ng isang tupa ang magtaboy sa lobo; trabaho iyan ng Pastol; subalit kailangang pumirmi ng tupa sa Pastol upang manatili siyang ligtas (Mga Awit 23:1-6). Iyan ang aking ligtas na Dako, kay Cristo, at si Cristo ay ang Salita. Iyan ang ligtas na Dako. [25]
Amang Diyos, ingatan Mo ang mga ito sa Iyong mga kamay. Sila’y sa Iyo. Dalangin ko, Diyos, na lumakad kami palagi na may kapakumbabaan sa iyong harapan. Hindi namin alam kung gaano pa kahaba ang lakbayin. Hindi na namin nanaisin pang malaman kung gaano katagal; hindi namin ito gawain. Ito’y Iyong gampanin. Hindi namin kailangang malaman kung kailan Ka darating; ang nararapat sa amin, Panginoon, ay ang manatiling nagpapakumbaba hanggang sa Iyong pagparito, at lalakad kaming kasama mo. Kalooban lamang namin Panginoon na ipahayag Mo ang Iyong Sarili paminsan minsan, Ama, sa aming kalagitnaan, upang masumpungan namin na ang aming mga sarili na lumalakad pa rin na kasama Mo.
Patawarin Mo kami sa nagawa naming mga kasalanan! Gabayan Mo kami at ingatan sa bawat bitag ng diablo sa hinaharap! Pangunahan at gabayan Mo kami, O Diyos na aming Ama! Patawarin Mo ang aming mga kasalanan at tulungan Mo kami na maging mga anak Mo! Kami’y mabababang uri ng mga tao. Kami’y itinakwil ng mga lipunan sa sanlibutang ito, sa pamamagitan ng mga denominasyon at mga iglesia. Nakikita na namin ang wakas, at pinasasalamatan Ka namin sa espirituwal na paningin na iginawad Mo pamamagitan ng Iyong Salita upang makita namin ang huling kapanahunan. Sapagkat ang lahat ng bagay na ito ay hahantong sa dakilang hatol mula sa kalangitan. Tulungan Mo kami, Panginoon, na itakas kami sa araw na iyon, bagkus ay maparoon kami sa Iyong Presensiya, lumipad kami patungo sa iyong kandili. [26]

Reference:
[1] “Letting Off The Pressure” (62-0622B), par. 14
[2] “Jubilee Year” (54-1003E), par. 174-175
[3] “New Ministry” (59-1115), par. 18
[4] “Hear Ye Him” (60-0806), par. 26
[5] “Joseph Meeting His Brethren” (56-1230), par. 43
[6] “Christ Is The Mystery Of God Revealed” (63-0728), pg. 80-81
[7] “Faith Once Delivered To The Saints” (55-0501), par. 27
[8] “Message Of Grace” (61-0827), par. 65
[9] “Power Of Transformation” (65-1031M), par. 247-251
[10] “Questions & Answers” (59-0628E), COD pg. 376
[11] “How Can I Overcome” (63-0825M), par. 102
[12] “The Absolute” (62-1230M), par. 58
[13] “Demonology, Religious Realm” (53-0609A), par. 115-116
[14] “Perseverance” (62-0218), par. 197
[15] “God Of This Evil Age” (65-0801M), par. 160
[16] “Way Of A True Prophet” (63-0119), par. 53
[17] “Influence” (63-0112), par. 27
[18] “Water From The Rock” (55-0224), par. 21
[19] “On The Wings Of A Dove” (65-1128E), par. 288
[20] “Paradox” (61-1210), par. 208
[21] “Humble Thyself” (63-0714E), par. 77-78
[22] “Look” (63-0428), par. 64-65
[23] “Desperation” (63-0901E), par. 23-24
[24] “True Sign That’s Overlooked” (61-1112), par. 234
[25] “Third Exodus” (63-0630M), pg. 33
[26] “Trying To Do God A Service” (65-0718M), par. 194


Spiritual Building-Stone No. 198 from the Revealed Word of this hour, compiled by:
Gerd Rodewald, Friedenstr. 69, D-75328 Schömberg, Germany
www.biblebelievers.de, Fax: (+49) 72 35 33 06
There´s coming one with a Message that´s straight on the Bible, and quick work will circle the earth. The seeds will go in
newspapers, reading material, until every predestinated Seed of God has heard It.
[Bro. Branham in „Conduct-Order-Doctrine“, page 724]