Spiritual-Building
Stone No. 197
Ano ba ang Denominasyon?
I Corinto 4:6-7,
“Ang mga bagay ngang ito, mga kapatid,
ay inianyo ko sa halimbawa sa aking sarili at kay Apolos dahil sa inyo; upang
sa amin ay mangatuto kayo na huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat;
upang ang sinoman sa inyo ay huwag magpalalo ang isa laban sa iba…”
Pakinggan
ang sabi ng Propeta ng Diyos tungkol sa bagay na ito:
Ngayon, wala tayong anomang laban sa ibang tao na nasa denominasyon. Wala tayong
anomang laban sa kanila, subalit nais kong ipaliwanag kung bakit hindi tayo pumapasok sa alin mang
denominasyon.
Ngayon, tayo ay isang organisasyon.
Tayo ay isang organisasyon, nakatala tayo
sa pamahalaan bilang isang organisasyon, isang kalipunan ng mga taong
nagkakatipon upang sumamba kay Cristo, subalit
hindi tayo nakapaloob sa isang denominasyon. Walang sinomang tao ang maaaring
kumontrol sa atin. Kita n’yo? Hindi ito isang denominasyon. Ito’y isang pagtitipon lamang ng mga mananampalatayang
Cristiano. Sumasamba lamang ang mga tao rito, at itinuturing nila itong
home church, kung nanaisin nila
habang sila ay nabubuhay. [1]
Ngayon, ako’y nababansagan bilang isang
kontrabida laban sa mga organisasyon. Ngunit hindi ako ganun. Sa palagay ko’y
mainam ang mga organisasyon, subalit
kapag nagkakaroon na ng kabuktutan sa sistema ng inyong mga organisasyon,
iyan ang nilalabanan ko. Kita n’yo? At hindi mahalaga kung ito man ay
isang Oneness, o ito’y trinity, o maging ano pa man ito, kapag humantong na ang sistema sa isang dako, na nagsasabi, “Kami ang
mga Assembly of God?” [2]
Balikan ninyo, tuklasin ninyo kung
saan ito nagsimula. Balikan natin ang pinagmulan ng larawan. At kung walang denominasyon sa Biblia,
kung gayon ay mayroon itong pinagmulan. Nagsimula
ito sa iglesia Catolica. Ipinanganak lamang nito ang mga Protestante.[3]
Maraming mga tao ang hindi nakakaunawa
sa akin kapag nagungusap ako tungkol sa mga maka-denominasyong bakod. Hindi
dahil sa mali ang denominasyon. Kundi ang pagtatayo ng bakod sa palibot nito,
dahil dito ay hindi na magawang makipagkatipon ng iba; iyan ang bahaging mali…
Kapag humantong na tayo sa kaisipan na, “Kami na lamang ang nalalabing grupo,”
Iniiwanan na iyan ng Diyos at pinagpapala na Niya ang iba, upang ipakita sa
atin na hindi lamang tayo ang grupo. Sa ganiyang paraan kumikilos ang Diyos.
[4]
Isa
lamang ang Iglesia, at hindi iyan isang denominasyon. Hindi mo magagawang
idenomina ang Iglesia ng Diyos. May isa lamang Iglesia at isang Katawan. Ang
Katawang iyan ay ang mistikal na katawan ni Jesus Cristo rito sa ibabaw ng
lupa, at sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayo sa isang
Katawan (ICor. 12:12-27).
Anomang
denominasyon ang kinabibilangan ng isang tao, kung sumasandal lamang siya
sa kaniyang iglesia para sa kaniyang kaligtasan, siya’y mapapahamak. Kung
ang isang Catolico ay umaasa lamang sa kaniyang iglesia para sa kaniyang kaligtasan,
siya’y mapapahamak. Kung ang isang Baptist ay umaasa na magagawa siyang iligtas
ng iglesiang Baptist, siya’y mapapahamak; subalit
kung ang mga indibiduwal ay nagtitiwala sa Diyos at kay Jesus Cristo, “Sapagkat
sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi
sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos.” (Ef.
2:8-9). [5]
At magkakaroon ng isang samahan ng
mga iglesia, at silang lahat ay magkakaisa, itatatag nila ang isang pamunuan
ng konpederasyon ng mga iglesia, kaya nga mayroon na sila ngayong isang
malaking gusali ng U.N. at ang bawat
denominasyon ay nakapaloob na rito. At kinakailangang ikaw ay kaanib ng isang
denominasyon dahil kung hindi ikaw ay matatakwil. At ‘yan ang oras na kailangang
ipakita natin ang ating mga kulay at magkaroon tayo na katiyakan, hindi
lamang tayo nagbabakasakali, bagkus ay nalalaman natin na ang ating kinatatayuan
ay ang ITO ANG SABI NG PANGINOON. Ang munting iglesia sa tuwina ay nasa minorya; isa itong maliit na kalipunan
na tila baga isang manipis na sinulid, tulad ng pulang guhit sa Biblia,
ganiyan palagi ang kalagayan ng iglesia. At nais nating alalahanin ang bagay
na ito (Lucas 12:32; Mat. 7:13-14).
[6]
Nagawa lamang pagpalain ng lubos ng Diyos si Abraham nung siya ay ganap
ng tumalima sa Kaniya at ihiwalay ang sarili nito
(kay Lot). At hindi kailanman pagpapalain ng Diyos ang isang indibiduwal o
isang iglesia, o isang kongregasyon, o isang denominasyon, malibang ito ay ganap na sumuko at maging masunurin sa Diyos.
Tama
lang sana ang denominasyon kung ganito ang paninindigan ninyo: “Ganito ang
paniniwala namin, kuwit.” Subalit kapag ang paninindigan ninyo sa isang organisasyon
ay, “Ito ang paniniwala namin, tuldok. Kung hindi kayo sasama sa amin wala
kayong patutunguhan.”
Kung babasahin ninyo ito ng ganito,
“Ito ang paniwala ko, kuwit, at idaragdag
ko rito ang anomang ipapakita sa akin ng Diyos,” ‘yan ang tama. Tama ‘yan.
“Ito ang paniwala namin, at idaragdag namin dito ang anomang higit na dakilang
bagay na ipapamalas sa amin ng Diyos.”
Kita n’yo, ang problema tinatapos ninyo sa, “Ito ang paniwala namin.”
Ano ang nangyari kay Luther pagkatapos
niyang makita ang Haliging Apoy?
Aba, sinundan niya ang bagay na Ito. At ano ba ang ginawa niya? Pagkatapos
ng panahon ni Luther, nag-organisa
sila ng isang iglesia at tinawag ni itong Lutheran. At doon na ito namatay
sa organisasyong iyon, sapagkat nagging katulad na rin ito ng iglesia
Catolica.
At, kamukat mukat mo, narito na si
Wesley. Lumabas na ang Haliging Apoy
mula sa organisasyon at ito ay nagpatuloy. Nakita ito ni Wesley, at sinundan
niya ang bagay na ito. Ngunit nung pumanaw na ang unang kalipunan ng mga mananampalataya,
inorganisa na nila itong muli, tinawag
nila itong Wesleyan Methodist, o ang iglesiang Methodist. At nung inorganisa
nila ito, doon na rin mismo ito namatay.
Pagkatapos ay nakita ito ng mga Pentecostal,
lumabas sila, hindi mula sa pagaaring-ganap, sa ilalim ni Luther, at sa santipikasyon
sa ilalim ni Wesley, bagkus ay nakita nila ang bautismo ng Banal na Espiritu,
ang panunumbalik sa orihinal na pagpapala. Sinundan nila ang bagay na ito
(Ay, naku.), lumabas sila at nagsimula silang magsalita ng mga wika at gumana
ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit ano naman ang kanilang
ginawa pagkatapos nito? Inorganisa din nila ang bagay na ito. At doon din
mismo Ito namatay. Subalit ngayon ay kumikilos na naman ang Haliging Apoy.
Muli na namang kumukilos ang bagay
na Ito ngayon. [7]
Ngayon, ang dalangin ko, Diyos, samantalang
nasasaksihan ko ang araw na ito kung kailan ay ginigipit ng denominasyon ang mga mananampalataya, tinitiwalag sila,
at iginigiit na kailangang maitala muna ang kanilang mga pangalan sa kanilang
mga aklat, kundi ay mapapahamak sila, wala
silang pakialam sa ibang grupo. Tanging ang malambot na kamay ni Jehovah
lamang, ang siyang aakay sa kanila sa Punong Kahoy ng Buhay.
Dalangin ko, Diyos, na ang bawat isa…
Nalalaman ko na magagawa nila, sapagkat ito’y Iyong Salita, at hindi maaaring
mabigo ang bagay na Ito. At nawa ay
marating namin ang Punong Kahoy ng Buhay, upang sa gayon ay maging tagapagmana
kami ng Buhay na Walang Hanggan, makita nawa namin ang kamay ng Diyos, at
sa pamamagitan ng mga mata ng pananampalataya, ay matanaw namin ang mga
aninong nilalakaran namin sa araw na ito, makita namin ang lupang pangako
na nagaantay sa aming patutunguhan.
[8]
Masdan ninyo ang bagay
na ito. Kumuha kayo ng isang mainam na butil ng mais na halong-lahi; kunin
ninyo ang halong-lahi na binhing ito. Magandang butil ito. Subukan ninyong
itanim ito. Ano ang makukuha ninyo? Uusli ang isang munting tangkay mula rito
at unti unti itong maninilaw at sa huli ay malalanta. Iyan ang mangyayari sa bawat denominasyon kapag hinaluan nila ng mga salita
ng tao ang Salita ng Diyos. Maaabot nila ang mga tanda at kababalaghan
subalit kapag humantong sila sa sinabi ni Jesus tungkol sa pananampalataya
sa Salita, maninilaw ito at sasabihin nila, “Hindi namin matatanggap ang bagay
na iyan,” at babalik sila sa dati.
Makinig kayong maigi ngayon. Hindi
ko nais na lumampas sa inyo ang bagay na ito. Walang ibang iglesia, walang
ibang tanda, walang ibang pagtitipon, walang ibang pamahalaan, walang ibang
patotoo, walang ibang kredo, walang ibang denominasyon ang maaaring tanggapin
sa labas ng bagay na ito. Ito lamang ang maaaring tanggapin ng Diyos. “si
Cristo na nasa inyo, na pagasa ninyo sa kaluwalhatian” (Col. 1:27), ang tanging kikilalanin lamang ng Diyos. Hindi ang kung
anong pagtitipon, hindi iglesia, hindi kredo, hindi denominasyon, o anopaman;
ang lahat ng bagay ay pawang patay. Isa lamang itong sanga na kailangang putulin,
na kinakailangang tagpasin upang si Cristo ay mabuhay at magkaroon ng kadakilaan sa inyo (Col. 1:18). [9]
Subalit samantalang naroon si Cristo,
at pinagpapala ng Banal na Espiritu ang mga tao, hindi natin alintana: ang
kulay, kredo, o maging anopaman ang bagay na ito, tayong lahat ay nakababad
sa isang malaking tangke ng Dugo, pagpapala ito ng Diyos, nagkakatipon lamang tayo sa ilalim ng Dugo ni Jesus Cristo, at hindi
natin ito napupuna. Subalit kapag nagsimula na tayong magisip, “Alam n’yo, higit na magaling ang aking denominasyon
sa kanila, higit na malaki kaysa sa kanila. Higit na marami ang aming mga
miyembro,” d’yan nagsisimula ang problema.
Iyan ang napapala nila, at lumalaki
ang problema kapag nakakaligtaan nila
na naroon Siya, pinaguusapan nila Siya datapuwa’t hindi nila napapagtanto
na naroon Siya sa kanilang kalagitnaan. (Lucas
24:13-35). Sana’y mayroon akong paraan upang maidiin ko ng husto ang bagay
na iyan.
Masdan. Pinaguusapan Siya noon ng mga
alagad, ngunit nalimutan nila na nakahiga Siya roon sa likod mismo ng barko
na sinasakyan nila (Mat. 8:23-27).
At ngayon, iyan ang naganap sa mga iglesia. Pinaguusapan
natin Siya. Lubhang napakarami na ng mga intelektuwal, sukdulang ang mga tao
ay naging bihasa na sa Kasulatan at humantong na sa punto na halos ay wala
ka ng maipula sa paraan ng pagdadala nila ng mensahe. Subalit saan naroon
ang Diyos? Iyan ang gusto kong malaman. Saan
naroon ang manipestasyon? Kita n’yo? Mga sermon na intelektuwal… [10]
Lubhang napakarami nating naririnig
tungkol sa bagong sistema na ito
na siyang magbubunsod sa isang relihiyosong
sistema, alam n’yo, maghahatid
ito diumano ng kapayapaan sa ibabaw ng lupa, kapag nagkaisa na ang mga Catolico
at mga Protestante. Ilan sa kanila ay naniniwala sa Makalangit na pagpapagaling,
ang ilan sa kanila ay hindi naniniwala, at ang ilan ay sumasampalataya sa
bagay na ito, at ang iba naman ay nananampalataya
sa ibang paraan. At kailangang isantabi mo ang iyong pagaalinlangan na matagal
mo ng malaon ng lumiligalig sa iyo, ang pananampalataya mong ebanghelikal,
upang mapaloob ka sa World Council.
At ang bawat denominasyon ay kailangang pumasok dito. Kaya nga kung ang denominasyon
ay sinumpa, at mapapabilang ka rito, ano ang gagawin sa iyo nito? Ibabalik
ka nito sa iyong pinanggalingan. Kung ang Roma ay ang ina ng mga denominasyon
(Apoc. 17:1-6), at siya ay ang hayop
at ang marka ng hayop (Apoc. 13:16-18), gumawa sila ng isang larawan nito, isang konseho, ang pinagsamasamang
mga iglesia ang siyang bumubuo sa larawan ng hayop (Apoc. 13:11-15), samakatuwid ibabalik
ka nito muli sa marka ng hayop. Ang
sistema ng sanlibutan, denominasyonalismo, ang siyang nagtayo ng isang sistema
upang isulong ang marka ng hayop. [11]
Makikita natin sa pamamagitan ng mga
tipo sa Lumang Tipan kung saan Niya piniling ilagay ang Kaniyang Pangalan
at upang—kung saan ito naroon ngayon. Nayon, kung paanong nababanaag mo ang
anino sa sahig, ang sabi ko, ang negatibo, bilang isang tipo, upang tayo, na mga mananamba ay masaksihan kung paanong ang mga anino
ng Lumang Tipan ay unti unti nagiging positibo sa Bagong Tipan (Heb. 10:1).
Ngayon, ang lahat ng mga piging, araw
ng pahinga, ang buong tabernakulo, ang lahat ng kahoy, ang lahat ng bagay
sa tabernakulo, ang lahat ng ito ay
tumitipo kay Cristo. Ang lahat ng mga handog, ang lahat ng mga kautusan, ang
lahat ng ito ay tumitipo kay Cristo. Dinadaanan natin ang bagay na iyan
sa tuwina rito sa Tabernakulo. At sa pamamagitan ng mga bagay ito ay nakikita
natin na ang bawat kredo, iglesia,
at denominasyon ay labis nang napagiiwanan. Ang totoo hindi na nga ito kasali
sa karera. Bawat kredo, bawat iglesia, bawat
denominasyon ay ganap ng napagiwanan. Wala ng lugar para sa kanila. [12]
Ngayon, nananampalataya ako na pinagtitibay
ni Jesus Cristo na ang bawat Salita. Ang
buong Kasulatan ay kinasihan. Hindi ako naniniwala na mayroon tayong karapatan,
at pagkatapos ay kukundenahin tayo sa bagay na ito, kung magdaragdag tayo
ng isang salita Rito o kaya’y magbawas ng isang Salita mula Rito. May sinasabi
sa Apocalipsis 22:18-19. Nananampalataya
ako na si Jesus Cristo ay Siya ring kahapon, at ngayon, oo at magpakailan
man.
Totoong iginagalang ko ang mga Lutheran
sa kanilang paninindigan nung panahon nila, ang mga Methodist sa santipikasyon
sa kanilang panahon, at ang mga Pentecostal sa kanilang paninindigan sa kanilang
panahon; subalit tayo ay nabubuhay
sa ibang panahon. Tayo’y nabubuhay kung kailan ang tangkay, ang suhay, ang
ipa, ay halos katulad na ng trigo, subalit ang trigo ay nasa loob ng ipa.
Inalalayan lamang ng ipa ang trigo, sinangga nito ang mainit na sikat ng araw
upang hindi ito masunog. At ngayon,
ay nababaklas na ang denominasyon mula rito, upang mabilad Ito sa Presensiya
ng Anak (Son) upang ito ay mahinog. Wala ng organisasyon pang lilitaw.
Ito na ang wakas nito. Kada ikatlong
taon halos, tuwing may isang mensahe na lilitaw, nagoorganisa sila.
Magdadalawampung taon na mula ng ito
ay magpasimula ngunit wala pang naitatag na organisasyon mula rito. Hindi
ito uubra. Tayo’y nasa panahon na ng
trigo, panahon ng pagani. Nauulinigan ko na ang pagdating ng isang dakilang
bagay. Isang araw ay uuwi na tayo.
Tama. “Siya ring kahapon, at ngayon, oo at magpakailan man.” (Heb. 13:8). [13]
Kilala na ba ninyo kung sino ang pinuno ng moderno, relihiyoso, masamang
kapanahunang ito? Iyan ay ang Diablo na kinukuha ang punong kahoy ng mabuti
at masama at inilalagay ito sa dakong iyon (Gen. 3:1-7; 2:15-17), inaakay
ang maganda niyang kasintahang iglesia upang ikasal sa ecumenical council,
ang maganda niyang kasintahan na iglesiang siyentipiko taglay ang lahat
ng mga degrees na makukuha niya, ang mga Ph.D., mula sa mga Church of Christ,
ang mga Ph.D., mula sa mga Baptist, Presbyterian, Pentecostal, at lahat na,
taglay ang lahat ng kanilang mga karangyaan at naglalakihang mga simbahan,
patungo silang lahat sa ecumenical council,
“Isa lang tayo.” Hindi sila maaaring patawarin dahil sa bagay na ito. Ang
paglalapat sa alinmang uri ng denominasyon ay ang marka ng hayop. Tapos na tayo sa bagay na iyan. Takasan ninyo ang bagay na ito, mga anak,
takasan ninyo ito. Kita n’yo? Mga
naglalakihan at naggagandahang mga iglesia patungo sa isang kasalang ekumeniko,
taglay ang kaniyang marka! Mga syort (Siyanga.), makasanlibutang kasuotan, sexy, pinturado, tunay na mga alagad ng diablo
upang bihagin ang mga anak ng Diyos—upang pakasalan ang isang batang ganap-na-ipinanganak
at akayin sa kahalayan na tulad niyan. Tama ‘yan. [14]
Mayroon
palaging kambal. At iyan ang dahilan… Huwag
ninyo itong kalimutan, munting kawan. Ang iglesia sa huling mga araw ay mayroong
kakambal, kahawig na kahawig na halos ay madaya nito ang hinirang: Mateo 24:24. Kita n’yo? Ito’y isang kilusang Pentecostal. Katulad
na katulad ito ng totoo, hangga’t sa halos ay madaya na nito pati ang hinirang
kung maaari. Mayamaya lang, kung magkakaroon ako ng pagkakataon, nais
kong ipaliwanag, kung paano natutupad
ang paghirang. Kita n’yo, magagawa
nitong dayain sila, sapagkat magkahawig na magkahawig ang mga ito. Kita
n’yo, lamang ay may dalawang ama,
iyon lang; isang ina, isang iglesia,
isang samahan, pareho lang. iisa lamang ang lupang hinasikan ng binhi,
kung saan nalalaglag ang Salita; subalit isa sa kanila ay liko, sapagkat nagmula
ito sa maling ama. Patutunayan ko sa inyo ang bagay na iyan balang araw, kung
pahihintulutan ako ng Diyos, ang denominasyong
iyan ay ang marka ng hayop. Kita n’yo, ito’y isang maling ama. Minamaneobra
niya ang mga tao patungo sa isang denominasyon sa halip na sa Salita. Kita
n’yo? Ito’y isang maling ama. Ito’y isang kilusan na nagmula kay Cain.
Paguwi ko, mangangaral ako tungkol
sa isang paksa, “Ang Bakas ng Serpiyente”:
ang hayop sa pasimula, at ang hayop sa wakas, hahalughugin natin siya sa Biblia,
at ipapakita ko sa inyo kung saan siya patungo. Kita n’yo? At ngayon, masdan
ninyo kung gaaano siya katuso, kung sino talaga siya… Buweno, katulad lamang
sila ni Judas at ni Jesus, magkalahi
sa isang lipi, tulad nina Esau at Jacob.
Katulad sila ng uwak at ng kalapati na dumadapo sa isang kawad. Pawang lahat
ng bagay ay kambal sa dakilang digmaan na ito na kinabibilangan natin. [5]
Abangan
ninyo ang “Ang Bakas ng Serpiyente.” Tama. Ngayon, pagisipan ninyo kung
bakit sila lamang ang denominasyon
na bukod tanging nakarehistro sa talaan ng Diyos: “Hindi kayo pakikinggan
ng Diyos maliban na kayo’y Methodist, o Baptist, o Trinity, o Oneness,” o
anopamang bagay na tulad niyan. Mali
‘yan.
Ngunit alalahanin ninyo na sa lahat
ng bagay na iyan, kung mayroon mang isang bagay sa puso ng isang lalaki o
ng isang babae na pinaniniwalaan nilang tama, kung
gayon ay may isang bagay na tama sa isang dako. Tulad ng madalas kong
sabihin, “Kapag ang kalaliman ay tumawag sa kalaliman, may isang malalim na
tutugon sa panawagang iyon.” (Awit 42:7).
Hindi
ang Diyos ang may akda ng denominasyon, sapagkat ang denominasyon ay Babilonia,
hindi Siya ang may akda ng kaguluhan. Hindi mo kailangang maging isang
intelektuwal upang makita mo ang bagay na iyan. Ito’y Babilonia. [16]
Sinabi ni Jesus na sa Kaniyang paglisan
ay isusugo Niya ang Kaniyang Espiritu (Juan 14:15-18). At hindi Ito magagawang tanggapin ng sanlibutan.
Tama iyan. Hindi Siya magagawang tanggapin
ng sanlibutan, o ang sistema ng sanlibutan. Ganiyan ang organisasyon—isa itong
sistema ng sanlibutan. Pakitaan ninyo ako ng isang sistema ng sanlibutan
na puspos ng Banal na Espiritu. Gusto ko itong makita. Kung mayroon kayong
maiipapakita sa akin na ganiyang uri ng iglesia ay mayroon kayong maling nakikita
sa Salita. Hindi po. Wala isa man sa mga mensaherong ito ang nagorganisa.
Bagkus sila ay itinatakwil o dili kaya
ay lumalabas sila sapagkat sila’y pinararatangan ng kasalanan ng organisasyon.
Paano mangyayari na nasa organisasyon
ang Banal na Espiritu samantalang ang organisasyon ang nagiging kahalili ng
Espiritu at ang denominasyon naman ang kahalili ng Salita? Alalahanin ninyo,
ang “Organisasyon” ay “kamatayan”. Wala ng iba. Kapag nangibabaw na ang sanlibutan, umaalis na ang Espiritu.
[17]
Ngayon, ngayon, hindi mo magagawang ihalo ang kredo ng denominasyon sa Salita, sapagkat
sila ay magkasalungat na magkasalungat, sa isa’t isa. Iyan mismo ang sinisikap gawin ni Satanas,
igiit ang intelektuwal niyang kaunawaan kay Eva. Tinatanggap niya na sinasabi
ito ng Diyos, ngunit nagpapaliwanag siya, “Tunay ngang hindi kayo mamamatay.”
(Gen. 3:1-7). Kita n’yo, pinaniniwalaan
nila ito, at iyan ang nagagawa ng isang kredo sa gabing ito. Ihinihiwalay ng denominasyon ang mga tao sa
Salita ng Diyos. Hindi ba’t ang sabi ni Jesus nung Siya ay pumarito. “Kayo,
dahil sa inyong mga tradisyon, ay winalawalang halaga ninyo ang mga utos ng
Diyos sa mga tao.”? (Marcos 7:6-9).
At sa pamamagitan ng inyong mga kredo,
ay nakaligtaan na natin na magagawang pahiran ng Espiritu Santo ang Salita
ng Diyos upang proteksiyonan niya ang
lahing ito. Labis na nating inilayo
ang mga tao sa pamamagitan ng denominasyon dahilan upang mawalan sila ng pagkakataon
na makita ang bagay na ito. [18]
Alalahanin, lumakad ang Israel, araw at gabi, sa pamamagitan ng Haliging Apoy.
Kapag kumilos ang Haliging Apoy, sinusundan nila Ito. At alalahanin, Ito ay
isang Apoy sa gabi, at isang Ulap sa araw. Kaya nga maaari Itong dumating,
araw man o gabi, anomang oras. Ngunit, saan man Ito pumaroon, ay may taglay
Itong pampalubag-loob, upang hindi sila mabigong makita ang bagay na Ito.
Ito ay isang Liwanag sa gabi, at isang Ulap sa araw, at sinusundan nila ang
bagay na Ito. Opo. Kapareho lang! (Exod.
13:21-22; 14:24).
Nakita ni Luther ang bagay na Ito noon.
Ano ang ginawa niya? Lumabas siya sa Catolisismo. Ngunit ano naman ang ginawa
nila? Tinayuan nila ng pader ang paligid nito, ang sabi, “Kami’y mga Lutheran.
Ito na ‘yon.”
Nakita ni Wesley na kumilos na Itong
palayo mula roon. Sinundan niya Ito. Ano ang ginawa nila? Nagtayo din sila
ng munting pader sa paligid nito, ang sabi, “Ito na ‘yon.” Ano ang ginawa
ng Liwanag? Kumilos Ito muli.
Nakita ng mga Pentecostal ang bagay
na Ito. Ano ang ginawa nila? Lumabas sila mula sa mga Wesleyan at mga Nazarene,
at lahat na. Ang ginawa nila? Nagtayo sila ng pader sa paligid nito, ang tawag
nila, “Kami’y mga oneness,” at “Kami’y mga trinity,” at “kami’y mga United,”
at lahat ng ito. Ano ang ginawa Niya? Kumilos palabas ang Diyos mula rito.
Kita n’yo, hindi natin dapat gawin
ang bagay na iyan. Kailangan nating sumunod araw araw, sa bawat oras, sa bawat
hakbang. Kailangang pangunahan tayo
ng Panginoong Jesus Cristo. Dahil kung hindi, buhay na organisasyonal ang
masusumpungan natin. At ang buhay na hindi sumusunod kay Cristo araw araw
ay hindi karapatdapat.[19]
Reference:
[1] “Why Are We
Not A Denomination” (58-0927), par. 15-16
[2] “Godhead Explained”
(61-0425B), pg. 13
[3] “Baptism Of
The Holy Spirit” (58-0928M), par. 105
[4] “Hear Ye Him”
(59-0424E), par. E-4
[5] “It Wasn’t
So From The Beginning” (60-1127M), par. E-26
[6] “Patmos Vision”
(60-1204E), par. 57
[7] “Jehovah Jireh”
(61-0209), par. E-47-48
[8] “Third Exodus”
(63-0630M), pg. 7
[9] “Christ Is
The Mystery Of God Revealed” (63-0728), pg. 41, 69
[10] “Go Wake
Jesus” (63-1103), par. E-41
[11] “The World
Is Again Falling Apart” (63-1127), par. 157
[12] “God’s Chosen
Place Of Worship” (65-0220), par. 37-38
[13] “Does God
Change His Mind” (65-0427), par. 212-214
[14] “God Of This
Evil Age” (65-0801M), par. 145
[15] “Power Of
Transformation” (65-1031M), par. 135-136
[16] “God’s Only
Provided Place Of Worship” (65-1128M), par. 66-67, 92
[17] “Sardisean
Church Age”, CAB pg. 251
[18] “Invisible
Union Of The Bride” (65-1125), pg. 11
[19] “Is Your
Life Worthy Of The Gospel” (63-0630E), par. 72-76
Spiritual Building-Stone
No. 197 from the Revealed Word of this hour, compiled by:
Gerd Rodewald,
Friedenstr. 69, D-75328 Schömberg, Germany
www.biblebelievers.de,
Fax: (+49) 72 35 33 06
There´s
coming one with a Message that´s straight on the Bible, and quick work will
circle the earth. The seeds will go in
newspapers,
reading material, until every predestinated Seed of God has heard It.
[Bro. Branham in „Conduct-Order-Doctrine“,
page 724]