Spiritual Building-Stone 196

Ang Sabbath ay ang Banal na Espiritu

 

Hebreo 4:8-11, “Sapagkat kung ibinigay sa kanila ni Josue ang kapahingahan, ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw. May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios. Sapagka't ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa. Magsipagsikap nga tayo ng pagpasok sa kapahingahang yaon, upang huwag marapa ang sinoman ayon sa gayong halimbawa ng pagsuway.”

 

            Ang sabi ni Brother Branham: Ang tanging paraan na ginagamit ko sa pagtuturo ng Bagong Tipan ay sa pamamagitan ng anino ng Lumang Tipan, tulad ng Banal na Espiritu rito na katipo ng araw ng sabat at lahat na. Ang lahat ay pawang anino (Hebreo 10:1). [1]

 

            May isang tao na sumulat sa akin… katatanggap ko pa lamang ngayong araw, at ang sabi, “Brother Branham, ipinangingilin mo ba ang ikapitong araw, ang sabbath? Narinig ko na nabanggit mo… kaninang umaga sa almusal na kumakain ka ng sausage at itlog.” Ang sabi niya, “Ang isang taong banal na tulad mo kumakain ng sausage?

            “Buweno, kapatid, mahal kita ng buong puso, subalit ang pagkain ko ng sausage ay hindi makakapigil sa pagtungo ko sa langit.”

            Pansinin mo kapatid, ang pangingilin ng araw ng sabbath noon ay… Ayos lang naman kung nais mong gawin ang bagay na ito. Naging prinsipyo ko na sa pulpito, na ingatang mangusap laban sa relihiyon ng iba. Tama ‘yan. Ngunit dahil sa bagay na ito, nais kong ipahayag, na ang pangingilin ng sabbath ay anino lamang ng tunay na sabbath. Dapat sana ay ipinagkaloob na sa kanila ng Diyos ang sabbath sa dakong ito nung tumawid sila sa Jordan. Kamatayan ang nirirepresenta ng Jordan. At kapag handa ka ng mamatay sa iyong sarili, pagkakalooban ka ng Diyos ng sabbath. Amen.

            Ang sabi ko, “Ang Sabbath ay ang Banal na Espiritu. Ang sabi niya, “Kalokohan, ang sabbath ay isang araw.” Ang sabi ko, “Ipinagkaloob ito minsan sa isang kalipunan lamang ng mga tao, ngunit sa ngayon ang Sabbath ay ang bautismo ng Espiritu Santo.” Iyan ang tama.

Ang sabi niya, “Oh, hindi maaari ‘yan.” “Bakit naman?” Ang sabi niya, “Ipinagkaloob ng Diyos ang araw at ito ay sinelyuhan Niya ng isang katibayan na ito ay pangingilin ng isang araw.”

            Ang sabi ko, “Sa isang kalipunan ng mga tao iyon noon, ngunit sa araw na ito ang sabi sa Efeso 4:30, ‘Huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos na sa Kaniya kayo’y tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos.’” [2]

 

            Pansinin, sinasabi ng mga kapatid nating Adventist na ang Tatak ng Diyos ay ang pangingilin ng Araw ng Sabbath (Gal.  4:10-11); subalit nais kong makakita ng kahit isang talata sa Kasulatan tungkol sa bagay na ito na nagpapakita na ang Sabbath—o ang pangingilin ng araw ng Sabbath ay ang Tatak ng Diyos. Kita n’yo, ito’y isa lamang—kaisipan lamang ito ng isang tao. Basahin ninyo ang Efeso 4:30.

            Ika’y tinatakan, hindi sa isang rebaybal patungo sa isa pa. Kapag tinatakan ka minsan ng Banal na Espiritu, ito’y tapos na at ganap ka ng tinanggap ng Diyos, at wala nang anopamang bagay na makapaglalayo sa iyo sa bagay na ito. Ang sasabihin mo, “Aba, taglay ko na ang bagay na ito noon pa ngunit sa kabila nito ay nawalay pa rin ako.” Hindi, hindi mo pa ito taglay noon. Ang sabi ng Diyos ito ay magpapatuloy hanggang sa araw ng pagkatubos. [3]

 

            Ang Sabbath, tulad ng nalalaman natin mula sa Bagong Tipan, ay HINDI ang pangingilin ng isang partikular na araw. Wala namang naguutos sa atin na ipangilin ang araw ng Sabado bilang Sabbath, kung paanong hindi rin tayo inutusang ipangilin ang unang araw ng isang linggo, ang araw ng Linggo. Narito ang katotohanan tungkol sa Sabbath, “kapahingahan” ang kahulugan nito.

            Hebreo 4:8, “Sapagkat kung ibinigay sa kanila ni Josue (Jesus) ang kapahingahan (o araw ng kapahingahan), ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw. May natitira pa ngang isang pamamahingang Sabbath (pangingilin ng Sabbath), ukol sa bayan ng Dios. Sapagka't ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa.” Narinig ba ninyo ang mahalagang pariralang iyan sa huling bahagi ng talata? “Ang Diyos ay nagpahinga sa Kaniyang mga gawa.”

            Ipinagkaloob ng Diyos sa Israel ang ikapitong araw upang maging Sabbath nila, bilang pagalala sa sarili Niyang mga gawa kung saan nilikha Niya ang sanlibutan at ang lahat ng naroon, at pagkatapos ay nagpahinga Siya sa paglikha. Tumigil Siya sa Kaniyang mga gawa (Gen. 2:1-3). Nagpahinga Siya. Ngayon isang bagay na mainam na pagkalooban ng kapahingahang Sabbath ang mga tao na pawang nasa isang dako sa isang pagkakataon, upang magkaroon sila ng isang araw na ipapangilin. Ngayon kalahati ng mundo ay nasa liwanag samantalang ang kalahati naman ay nasa kadiliman, kaya hindi ito talaga uubra. Subalit iyan ay isang punto lamang ng argumento mula sa natural.

            Tingnan natin kung ano ang itinuturo sa atin ng Biblia tungkol sa kapahingahang Sabbath. “Sapagkat ang pumasok sa Kaniyang kapahingahan.” Ang pagpasok na ito ay hindi lamang pagpasok, bagkus ito ay isang pananatili sa loob, ang kapahingahan. Ito ay isang ‘eternal na kapahingahan’ kung saan ang ikapitong araw ay isa lamang tipo. Ang ‘pito’ ay bilang ng kakumpletuhan. Ang ‘walo’ ay ang ‘unang’ bilang muli. Ang pagkabuhay na muli ni Jesus ay ang unang araw ng isang linggo, upang pagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan at eternal na kapahingahang Sabbath. Iyan ang dahilan kung bakit hindi magagawa ng Diyos na magtangi ng isang araw sa isang linggo bilang siya nating Sabbath (kapahingahan). ‘Nakapasok’ tayo at ‘nananatili’ tayo sa ating kapahingahan,  bagay na hindi magagawa ng Israel, dahil anino lamang ng tunay na kapahingahang tinatamasa natin ang taglay nila. Bakit tayo manunumbalik sa isang anino samantalang nasa atin na ang realidad ngayon?

            Matatanggap lamang natin ang kapahingahang ito, o ang panghabampanahon na Sabbath, sa pamamagitan ng paanyaya ni Jesus. Ang sabi Niya sa

Mateo 11:28-29, Magsiparito sa Akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin. Pasanin ninyo ang Aking pamatok at magaral kayo sa Akin;… at makakasumpong kayo ng kapahingahan (o ng Sabbath, hindi isang araw, kundi buhay na walang hanggan, Sabbath) sa inyong mga kaluluwa.”

            Gaano man katagal ka nang nagdurusa dahil sa kabigatang dulot ng kasalanan, sampung taon man ito, tatlumpung taon o limampung taon, o higit pa riyan, lumapit kayo taglay ang buhay ninyong batbat ng kapagalan at masusumpungan ninyo ang Kaniyang kapahingahan (ang tunay na Sabbath). Pagkakalooban kayo ni Jesus ng kapahingahan.

            Ngayon ay ano nga ba ang kapahingahang iyon na ipagkakaloob ni Jesus?

            Isaias 28:8-12, “Sapagkat lahat ng mga dulang ay puno ng suka, at ng karumihan, na anopa’t walang dakong malinis. Kanino siya magtuturo ng kaalaman? At kanino Niya ipapatalastas ang balita? Silang nangahiwalay sa gatas, at nangahiwalay sa suso? Sapagkat utos at utos; utos at utos; bilin at bilin; dito’y kaunti, at doo’y kaunti. Hindi kundi sa pamamagitan ng mga taong may ibang pangungusap at may iba’t ibang wika ay sasalitain Niya sa bayang ito. Na Kaniyang pinagsabihan, Ito ang kapahingahan (Sabbath), papagpahingahin ninyo siya na pagod (o ang pangingilin ng Sabbath); at ito ang kaginhawahan; gayon ma’y hindi nila pinakinggan.”

            Inihula ito rito mismo sa Isaias. At pagkatapos ng 700 taon ay natupad ang bagay na ito ng eksakto sa pagkakasabi nung sila ay mapuspos ng Banal na Espiritu (Mga Gawa 2:1-4). Ito ang tunay na Sabbath na ipinangako. Kaya nga nung mapuspos sila ng Banal na Espiritu ay huminto sila sa mga makasanlibutan nilang mga gawa, ang mga makasanlibutan nilang mga gawi, sampu ng lahat ng masasama nilang mga gawa. Ang Banal na Espiritu na ang nag-mamamaneobra sa kanilang mga buhay. Nakapasok sila sa isang kapahingahan. Hayan ang inyong kapahingahan. Hayan ang inyong Sabbath. Hindi ito isang araw, ni taon man, bagkus ito ay isang kalagayan ng pagiging puspos at pinagpala ng Espiritu hanggang sa eternidad. Nagpapahinga ka, at ang Diyos na ang Siyang gumagawa. Ito ay ang Diyos na nasa kalooban mo na may pagnanasang gumawa ayon sa Sarili Niyang kapasiyahan. [4]

 

            Sinabi ni Isaias noon na ang kapahingahan ay ang ibang pangungusap at sa pamamagitan ng iba’t ibang wika magsasalita Siya sa Kaniyang bayan (Isaias 28:11). At ito ang pangingilin ng Sabbath.

            Ngayon, ano ang bagay na iyan? Paano naman ‘yan? Kailan ba binago ang bagay na ito? Pinagtibay ni Jesus ang salaysay na ito. Pinagtibay din naman ni Pablo ang salitang ito sa ika-4 na kabanata ng Hebreo (talatang 6-11).

            Tama ‘yan. Ang pagpasok ng Banal na Espiritu… Ang sabi, “Sapagkat tayo,” na nagtataglay ng Banal na Espiritu, “nung… nang ating tanggapin si Cristo sa ating mga puso ay huminto naman tayo sa ating mga gawa katulad ng ginawa ng Diyos at nagpahinga Siya sa ikapitong araw.” Tama ‘yan. Hayan ka na. Iyan ang tunay na pangingilin ng Sabbath. Nauunawaan ba ninyo ang ibig kong sabihin? Kapag nakapasok na ang Espiritu Santo, ipagkakaloob na ng Diyos ang tatak sa inyong pananampalataya (Roma 4:10-12). [5]

 

            Ano ang Kapahingahan? Kailan nga ba dumating ang kapahingahan? Nung mangusap ang bayan sa pamamagitan ng ibang wika. Kapag nagsasalita sila ng ibang mga wika, hindi lamang sila basta nagsasalita; bumibigkas sila ng ibang pangungusap. Kailan ba ito nangyari? Nung panahon ng Pentecostes nang bumaba ang Banal na Espiritu (Mga Gawa 2:1-4). Iyan ang Kapahingahan: ang Espiritu Santo. Ang sabi ni Jesus, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo'y bibigyan Ko ng Kapahingahan. Pagkakalooban Ko kayo ng Buhay, Buhay na Walang Hanggan (Zoe, ang sariling Buhay ng Diyos).” Mananahan sa loob ninyo ang Diyos at magiging bahagi ninyo. Pagkakalooban Niya kayo ng isang kapanganakan (Juan 3:3-8) at gagawin Niya kayong isang anak na lalaki at babae (Gal. 4:6-7). [6]

 

            Ito ang kapahingahan. Hindi araw ng Linggo ang araw ng kapahingahan. Ang Espiritu Santo ang araw ng Kapahingahan. Ang Espiritu Santo and Siyang araw ng Kapahingahan. Kaya nga mga kapatid na Adventist, hindi po ang ikapitong-araw ng sabbath ang kapahingahan. Ang Espiritu Santo ang araw ng Kapahingahan. Ang kahulugan ng “Sabbath” ay “kapahingahan.” Ito ang Kapahingahang ukol sa kaluluwa; taglay mo na ang eternal na Kapahingahan. [7]

 

            Ngayon, masdan ninyo, iyan ang ikatlong kapahingahan na ipinagkaloob Niya. Ang una: tinanggap ito ng Diyos mula sa Kaniyang gawa. Ikalawa: tinanggap ito ng Israel mula sa kautusan. Ikatlo: tinanggap ito ng Iglesia bilang kabahagi ng Diyos.

            Ang tatlo ay bilang ng buhay. Ilan ba ang nakakaalam sa bagay na iyan? Sa tuwing makakasumpong ka ng tatlo, ito’y buhay. Pansinin n’yo, nung likhain ng Diyos ang lupa, sa ikatlong araw ay nagkaroon ng buhay. Ilan sa inyo ang nakakaalam sa bagay na iyan? Sa ikatlong araw, lumitaw ang buhay sa ikatlong araw ng paglikha… (Gen. 1:9-13). Ang kapahingahan ng Diyos, ang kapahingahan ng Israel, at ang kapahingahan ng Iglesia, ay ang pangingilin ng Sabbath.

            Kaya nga kung hindi pa ninyo natatanggap ang Banal na Espiritu, hindi pa kayo nakakapasok sa kapahingahan ng Diyos. Hindi mo kailangang sabihin, “O, hindi ko na magagawa; nais kong manigarilyo. Hindi ko na kaya pang gawin ang mga bagay na ito; isa na akong Cristiano. Hindi ko na talaga gustong uminom, isa na akong Cristiano. Hindi ko na kaya… Hindi ko na magawa pang uminom kahit pa nga gusto ko.”

            Kung may pagnanasa ka pa rin sa mga babae, kung ginagawa mo pa rin ang di-makadiyos ng mga bagay bagay na ito, hindi mo pa lubusang nasumpungan ang dakong Kapahingahan. Hindi ka pa ganap na nakapasok sa iyong Kapahingahan.

            Kapag nakapasok ka na sa Kapahingahang ito, hihintuan mo na ang makasanlibutan mong mga gawa katulad ng ginawa ng Diyos nung Siya ay magpahinga. Bakit? Sapagkat ikaw ay bahagi ng Diyos; eternal ang iyong kapahingahan. Hayan ka na. iyan ang totoong Sabbath, “Magsilapit kayo sa Akin, kayong lahat na napapagal.” [6]

 

            Buksan ninyo rito sa Hebreo 4:7-11, hindi ba’t may binabanggit pa Siya na isang sabbath? Ang Diyos ang lumikha sa araw ng sabbath at pinagkalooban Niya sila ng kapahingahan sa ikapitong araw. May isa pang dako kung saan nangusap Siya tungkol sa kapahingahan, “ngayon ay kay David…” Pagkatapos nito ay pinagkalooban Niya sila ng isa pang Kapahingahan, “Magsilapit kayo sa Akin kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, bibigyan ko kayo ng kapahingahan.” Magsipasok kayo sa kapahingahang ito. Sapagkat tayong lahat na nagsisipasok sa kapahingahang ito ay humihinto na sa ating mga gawa katulad ng ginawa ng Diyos sa Kaniyang sabbath. Siyanga. Iyan ang iyong sabbath, kapahingahan. Iyan ang tunay na kapahingahan mo sa lupang pangako na ito. [8]

 

 

Reference:

[1] “Questions&Answers On Genesis”, COD pg. 51

[2] “Results Of Decision” (55-1008), par. E-37-38

[3] “The Seventh Seal”, Seal’s-Book pg. 545

[4] “Patmos Vision”, CAB pg. 45-46

[5] “Maniac Of Gadara” (54-0720A), par. E-67-68

[6] “Hebrews Chapter 4” (57-0901E), par. 186-191

[7] “Unfailing Realities Of God” (60-0626), par. 220

[8] “Manifested Sons Of God” (60-0518), par. 129

 

 

Spiritual Building-Stone No. 196 from the Revealed Word of this hour, compiled by:

Gerd Rodewald, Friedenstr. 69, D-75328 Schömberg, Germany

www.biblebelievers.de, Fax: (+49) 72 35 33 06

There´s coming one with a Message that´s straight on the Bible, and quick work will circle the earth. The seeds will go in

newspapers, reading material, until every predestinated Seed of God has heard It.

[Bro. Branham in „Conduct-Order-Doctrine“, page 724]