Spiritual Building-Stone No. 192
Mga Gawa 11:18 “At nang marinig nila ang bagay na ito, ay nagsitahimik sila, at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, Kung gayo’y binigyan din naman ng Diyos ang mga Gentil ng pagsisisi sa ikabubuhay.”
Pakinggan ang sabi ng Propeta ng Diyos tungkol sa bagay na ito:
At ngayon, iyan ang paraan upang makalapit ka: sa pamamagitan ng pagaaring-ganap ay makakalapit ka sa Diyos (Roma 5:1-2). Nabautismuhan ka sa pagsisisi sa ikapagpapatawad ng iyong mga kasalanan (Acts 2:38). Ihihingi mo ng tawad ang iyong mga kasalanan sa Diyos, at patatawarin ka niya sa mga bagay na ito. At ikaw ay nagpabautismo upang maipakita na ikaw ay napatawad na, ipinapahayag mo sa mga tao at sa sanlibutan na iyong sinasampalatayanan na si Jesus Cristo ay namatay para sa iyo, at kinuha Niya ang iyong puwesto upang ikaw din naman ay makapuwesto sa lugar Niya. Siya ay naging ikaw at ikaw ay naging Siya. At ang kapangyarihan ng Diyos na may kakayanang luminis ang huhugas sa iyong buhay (Heb. 10:10; I Pedro 1:2). Dati rati ay naninigarilyo ka, umiinom, at ginagawa mo ang mga bagay na hindi nararapat gawin, nagsisinungaling ka, at lahat na. Ngunit kapag gumana ang kapangyarihan ng Dugo ng Diyos ay mapapawi ang lahat ng ito; maglalaho ang lahat ng ito sa buhay mo (I Juan 1:7-9). Kapag may nasabi kang mali, dili kaya’y may nagawa kang mali, kaagad agad ay sasabihin mo, “Sandali lamang; ipagpaumanhin ninyo, hindi sana ganiyan ang nais kong sabihin.” Kita n’yo? Naglalagay ang Diablo ng patibong sa iyong daanan, subalit kung isa kang tunay na Cristiano sapat ang biyaya ng Diyos upang makapanumbalik ka at aminin mo, “Nagkamali ako.” (Gal. 6:1; Heb. 10:1-2).
Ngayon, ang susunod na matatanggap mo ay ang bautismo ng Banal na Espiritu at Apoy (Mat. 3:11-12; I Cor. 12;13). Ngayon, ang Diyos, pagkatapos ng Milenyum, igagawad ng Diyos ang baustismo ng apoy sa sanlibutan. Sasambulat ang mundong ito. Ang langit at ang lupa ay magliliyab. Iyan ang sabi ni Pedro (II Pedro 3:9-10). At magtatamo ng bautismo sa apoy ang mundong ito, mababago ang lahat ng ito, at magkakaroon ng isang bagong langit at isang bagong lupa (Apoc. 21:1). Kung saan mananahan ang katuwiran. At mula sa pagiging mortal na nilalang, at mula sa pagiging bahagi ng panahon ay magiging eternal tayo sa oras na magliwanag ang Salita ng Diyos sa ating mga kaluluwa at tayo ay ganap na naging mga anak na lalaki at babae ng Diyos taglay ang mga katangian Niya, ang binhi ng Diyos na nasa atin ang nagpapatunay na tayo ay mga anak na lalaki at babae ng Diyos Ama na nasa langit, na sumisigaw, “Abba, Ama: Diyos ko, Diyos ko.” (Roma 8:14-17). [1]
Ngayon, ang unang hakbang patungo sa Diyos ay pagsisisi (Apoc. 3:19; Jer. 31:19; II Tim. 2:25-26), at ang susunod sa bagay na iyan, ay ang bautismo sa tubig. Ang bautismo sa tubig: “Magsisi at magpabautismo sa Pangalan ni Jesus Cristo.” Kita n’yo? Kasunod nito ang bautismo sa tubig, na siyang nagpapakita na ang pagsisisi ay tunay, at ang dati nating mga kasalanan ay napatawad na. Ngayon, walang kinalaman ang bagay na iyan sa mga kasalanang darating sa atin. Ang dati nating mga kasalanan ang napatawad. “Mangagsisi kayo at magpabautismo sa Pangalan ng Panginoong Jesus Cristo.” Sa anong dahilan? Pagpapatawad, pagaalis ng dating kasalanan: wala itong kinalaman sa hinaharap. Iyon lamang dating mga kasalanan na ginawa mo ang sakop nito.
Hindi mo maaaring pagsisihan ang bagay na ginawa ni Adan. Hindi ikaw ang gumawa nito; si Adan ang nagkasala. Magtatamo ka lamang ng kapatawaran sa pagkakasalang nagawa mo. Ang dating kalikasan ay naririyan pa rin.
Ang bagay na nagudyok sa iyo upang magkasala ay nariyan pa rin. Iyan ay ang matandang ugat ng kasamaan. Nananatili pa rin ang bagay na iyan diyan.
Pansinin, nagsisi ka at nagpabautismo sa Pangalan ng Panginoong Jesus Cristo, na ikaw ay pinatawad Niya sa iyong mga kasalanan (Mga Gawa 17:30-31).
Pansinin, at ikalawa ay ang pagdating ng santipikasyon, na siyang naghahanda sa ating kaisipan upang umayon sa kabanalan: upang magisip ng tama, at magpatuloy. Ang “Santipikasyon” ay isang salitang Griego na nangangahulugan ng “kalinisan at kahandaan sa paglilingkod.”
At ang susunod ay ang pagdating ng bautismo sa Apoy at Banal na Espiritu upang makapanahanan ang Diyos sa atin, at ang Apoy ng Diyos ang maglilinis sa ating mga puso mula sa kasalanan at magpupuwesto sa Banal na Espiritu sa ating kalooban. At magagawa nating maipamalas ang Buhay na ipinamuhay Niya noon, dahil sa bagay na ito na nasa atin.
Pansinin, sa natural na kapanganakan kapag nagluwal ng sanggol ang isang babae… Ang natural na buhay ay tumitipo sa buhay na espirituwal. Kapag nagluwal ng sanggol ang isang babae, sa natural, ang unang nangyayari ay ang paglabas ng tubig, pagkatapos ay dugo, at ang susunod ay ang espiritu: buhay. Dadamputin ang munting sanggol at siya’y tatapikin at siya’y iiyak. Tubig, dugo, espiritu… (I Juan 5:7-8).
At ngayon, kapag ipinanganak ang isang sanggol sa Kaharian ng Diyos, ito rin ang daraanan niya: Tubig, Dugo, Espiritu (Juan 3:5; Efe. 5:26).
Ngayon pansinin, santipikasyon, ito ang ikalawang hakbang, paglilinis ng kaisipan, inihahanda nito ang puso, ikinukundisyon n ng puso patungo sa kabanalan.
Maaaring magsisi ang isang lalaki datapuwat nagiisip pa rin siya ng kasalanan… Buweno, marahil siya’y isang lalaking imoral. Maghahanap pa rin siya ng isang babaeng imoral; naroon pa rin ang bagay na ito. Marahil siya’y isang lasinggero. Sa tuwing makakaamoy siya ng alak; naroroon pa rin ang pagnanasa niya. Kita n’yo? Ngunit kapag siya’y nalinis na, nilulusaw nito ang pagnanasang nasa kaniya. Kita n’yo? Naglalaho na ang pagnanasa niya. Maaaring dumaan pa rin siya sa tukso, datapuwat Siya mismo ang magtataboy sa kasalanan. Gayonma’y hindi pa rin siya ganap. Pagkatapos nito ay mababautismuhan siya ng Banal na Espiritu at Apoy (Mat. 3:11-12), malinis na malinis na siya, at handa na sa isang paglilingkod. Ang santipikasyon ang naghahanda sa kaniya sa isang paglilingkod.
Mapapansin na eksaktung eksakto ang bagay na iyan, sa mga mensaheng dumating: kay Martin Luther, pag-aaring ganap; kay John Wesley, santipikasyon; ang Pentecostal, ang bautismo ng Espiritu Santo. Wala ng mensahe pang susunod pagkatapos ng mga kapanahunang ito. Tatlong baitang… ang Bautismo ang naglilinis ng puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Kahanga hanga ang bagay na ito. Inihanda niya ang dakong kalalagyan natin. Pagkatapos ay tinawag Niya ang Iglesia sa pamamagitan ng pag-aaring ganap, tinawag Niya ito sa pamamagitan ng santipikasyon, at pagkatapos ay pinuspos Niya ito ng Banal na Espiritu at Apoy, at ginawa Niya ito sa pamamagitan ng isang proseso na Siya Mismo, ang Espiritu Santo Mismo, ang Anak ng Diyos, ay mananahan sa puso ng isang tao. Ngayon, kailangan muna nitong dumaan sa ganitong proseso bago Niya ito panahanan. Pansinin, pinadaan din Niya ang sanlibutan (ang dakong tatahanan ng Nobya) sa gayong kaparaanan, sa iisang plano ng Kaniyang kaligtasan. [2]
Hindi mo kailangang matutunan ang lahat ng bagay; isang Persona lamang ang kailangan mong malaman: iya’y ang Panginoong Jesus. Ang makilala Siya ay Buhay. Iyan lamang ang tanging Persona na kailangan mong makilala upang magtamo ng Buhay na Walang Hanggan: Ang makilala Siya, hindi ang maisaulo ang Aklat, hindi ang mga credo, bagkus ang makilala Siya ay Buhay (Juan 17:3), kilalanin mo Siya bilang personal na Tagapagligtas, kilalanin mo Siya bilang Isang na Siyang pumupuspos sa iyo ng Kaniyang kabutihan at ng Kaniyang habag (Rom. 2:4), iyan ang magtataboy ng lahat ng makasanlibutang bagay na nasa iyo, kakalagan niya ito na tulad sa isang scapegoat sa Lumang Tipan at pawawalan sa ilang upang mamatay doon at di na matagpuan.
At ang bagay na nagbubunsod sa iyo upang magkasala at gumawa ng mga bagay bagay na dati mong ginagawa ay napalayas na mula sa iyo sa pamamagitan ng Kaniyang makapangyarihang Dugo na siyang luminis at naghanda sa iyo sa isang paglilingkod, nang sa gayon ay matupad Niya ang Kaniyang kalooban sa pamamagitan mo, makagawa Siya sa pamamagitan mo. Ganiyan lang kasimple ang bagay na ito… sampalatayanan mo lamang. [3]
Nais naming maligtas ka, kaibigan. Nais naming mapuspos ka. Alalahanin, ligtas ka na, siyanga. Nung tanggapin mo si Jesus Cristo ay ligtas ka na (Marcos 16:16). Subalit hindi ka pa naipanganak na muli malibang tanggapin mo ang Banal na Espiritu. Ngayon, nalalaman mo ang bagay na iyan. Tama ‘yan (Lucas 22:31-32).
Sinabi ni Jesus kay Pedro nung gabi na Siya’y ipagkakanulo… Siya ay ligtas na. Ang sabi Niya, “Ngayon, kapag makapagbalik ka nang muli ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.” Tama ‘yan. O, siyanga. Tinanggap mo si Cristo bilang iyong Tagapagligtas. Subalit ikaw ay konbertido kapag ganap ka nang nabago. Tama ‘yan. Hindi ba siya ganap na nabago. Sumumpa siya sa harap ng Panginoon, datpuwa’t Siya’y itinatuwa niya, at lahat na (Lucas 22:54-62). Subalit pagkatapos ng kaniyang konbersiyon… “Kapag ikaw ay konbertido na, Palakasin mo ang iyong mga kapatid.” Tama ‘yan. Hindi ba? Iyan ang sinabi ng Kasulatan. At iyan ang nagtutuwid sa bagay na ito. Ang sabi ni Jesus kay Pedro, na sumunod sa Kaniya, at nagpalayas ng mga diablo (Mat. 10:1-4), at gumawa ng mga himala, at lahat na, ang sabi Niya, “Hindi ka pa konbertido sa ngayon. Datapuwa’t kapag ikaw ay konbertido na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” Tama ‘yan. Totoo ang bagay na ito.
Datapuwa’t nais kong tanggapin mo ang Banal na Espiritu.
Ngayon, ito’y para sa iyo. Kita n’yo, kailangan lang na magpakumbaba ka, buksan mo ang iyong puso, at sampalatayanan mo ang bagay na ito. [4]
Hindi ka pa ganap na konbertido malibang tanggapin mo ang Banal na Espiritu. At sinomang tao ay hindi pa ganap na konbertido hangga’t siya ay hindi pa nababago (II Cor. 5:17), at namatay sa kaniyang sarili, at ang Espiritu Santo na ang may kontrol sa taong ito.
O, iibigin ninyong isuko ang lahat ng bagay ng sanlibutan, kapag pumasok na ang Espiritu Santo sa inyo. Lilinisin at huhugasan kayo Nito, at magdudulot ito sa inyo ng isang pagnanasa na sumunod sa Kaniya, at kauuhawan, at nanasain ninyo palagi ang higit pa sa dati ninyong taglay, ibababad ninyo ang sarili ninyo sa bagay na ito. Maghahatid Siya ng realidad sa buhay ninyo. [5]
Pahintulutan mong masabi ko sa iyo ang bagay na ito, kaibigan. Kailangang puksain mo ang iyong kaaway bago ka puksain nito. Ibalik ninyo ang makalumang mga prayer meeting, ang makalumang pagsisisi, kung saan ang mga tao ay nananatili sa altar hanggang sa ang kasalanan ay mamatay at mawalan na ng puwang sa kanilang mga buhay (Isaias 57:15). Hindi maaari na makita mo ang isang babae na magtungo sa altar at mamatay sa kasalanan, at kinabukasan naman ay makikita mo siyang pudpod ang buhok, pinturado ang mukha. Walang ganiyan. Ang Espiritu Santo ang nagtuturo, iyan ang kalikasan ng Espiritu Santo. Hindi ka makakakita noon ng isang babae na lalabas at malaswa ang suot nila. Hindi ka makakakita noon ng isang lalaki na natatakot iwanan ng asawa niya dahil lamang nais niyang gawin kung ano ang nararapat. Aba, ang mga lalaki noon ay tunay na mga lalaki. Nangungusap sila bilang isang tunay na lalaki; pinamamahalaan nila ang kanilang sambahayan. Sila ang ulo ng kanilang mga tahanan. [6]
Lumalakad tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Biyaya, iyan ang ginawa ng Diyos sa buhay ninyo… Tama ‘yan. Sinampalatayanan mo ang Diyos. sumampalataya ka sa Diyos; at sa oras na mismo na nagsisi ka, ikaw ay pinatawad na.
Tulad na lang nung sabi ko sa isang kapatid na lalaki kahapon, tila naguguluhan siya tungkol sa bagay na ito, at ang sabi ko, “Tignan mo, kapatid, kapag may nasabi ka na nakasakit sa kalooban ng iyong asawa, kaagad ay naaawa ka sa kaniya; nagsisisi ka na nagawa mo ang bagay na iyon; sa puso mo ay nagsisisi ka na. tama ‘yan. Subalit kailangan mo pa ring sabihin sa kaniya ang bagay na ito. Kailangang sabihin mo sa kaniya, ‘Honey, patawarin mo ako na nasabi ko ang bagay na iyon.’ Diyan mo pa lamang masasabi na ganap ka nang nakapagsisi.” (Apoc. 3:19). Ngayon, iyan ang paraan ng Diyos.
Ang isang tao na magsasabi, “Nasaktan ko ang kalooban niya; wala namang mawawala; hihingi na lang ako ng tawad kahit hindi totoo para maapos,” isa kang ipokrito pag ganiyan. Kita n’yo? Tama ‘yan. Hindi iyan tatanggapin ng Diyos.
Kinakailangang pagsisihan mo ng lubos ang iyong mga kasalanan (II Cor. 7:9-11; Ezekiel 36:31). At kapag ganap na pinagsisihan mo na ang iyong mga kasalanan, magpabautismo ka sa Pangalan ni Jesus Cristo sa ikapagpapatawad ng iyong mga kasalanan, at magtatamo ka ng kapatawaran, at tatanggapin mo ang Banal na Espiritu (Mga Gawa 2:37-38). Kita n’yo, simple lang, pinasimple lamang ng Diyos ang bagay na ito. [7]
Reference:
[1] “Things That Are To Be” (65-1205), par. 63-64
[2] “Future Home” (64-0802), pg. 15-17
[3] “We Would See Jesus” (60-0708), par. E-23
[4] “God Hiding Himself In Simplicity” (63-0412E), par. E-138-141
[5] “Unfailing Realities Of God” (60-0626), par. 75-76
[6] “Just One More Time Lord” (63-0120E), par. 141
[7] “Revelation Chapter 4 Part 3, Throne Of Mercy” (61-0108), par. 186-189
Spiritual Building-Stone No. 192 from the Revealed Word of this hour, compiled by:
Gerd Rodewald, Friedenstr. 69, D-75328 Schömberg, Germany
www.biblebelievers.de, Fax: (+49) 72 35 33 06
There´s coming one with a Message that´s straight on the Bible, and quick work will circle the earth. The seeds will go in
newspapers, reading material, until every predestinated Seed of God has heard It.
[Bro. Branham in „Conduct-Order-Doctrine“, page 724]