Spiritual Building-Stone No. 190

Tumigil Na ang Mana sa Lupang Pangako

 

Exodo 16:35,   “At ang mga anak ni Israel ay kumain ng mana na apat na pung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing tinatahanan; sila'y kumain ng mana hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.”

Pakinggan ang sabi ng Propeta ng Diyos tungkol sa bagay na ito:
Pinagpala Niya ang Israel nung araw na iyon kahit pa nga atubili silang umahon upang angkinin ang lupang pangako. Gayon din ang nangyari nung mga araw na hindi nila sinampalatayanan ang mga tiktik, gayonman ay bumababa pa rin ang mana pagsapit ng gabi. Subalit silang lahat ay labas sa kalooban ng Panginoon. Kaya nga hindi sila nagwawagi sa anomang digmaan hangga’t hindi nila itinutuwid ang sarili nila sa Diyos. Ngayon, sa palagay ko ay kailangan na ring manumbalik muli ng iglesia sa Diyos. Manumbalik at magpasimula tayong muli sa paraang nararapat, upang makapagpatuloy tayo sa paglalakbay. [1]

Pagisipan ninyo, napakasakdal nito, sa bawat araw noon ay nagagawa nilang lumakad na kasama ng Panginoon. Napakainam na pamumuhay, samantalang naroon sila sa ilang. Kumakain sila ng mana sa umaga, na bumaba kinagabihan (Exod. 16). [2]

Iyon ang malaking pagkakamali na nagawa nila, nung sila ay humantong na sa luklukan ng paghatol at dinala nila pabalik ang ebidensiya ng isang masaganang lupain (Mga Bilang 13; 14:1-12). Nagagalak ako na may mga tao sa nakalipas na mga taon, na nagsumikap sa kabila ng lahat ng kanilang pormalidad ay pumasok at inangkin ang lupain at dinala pabalik ang ebidensiya, na mayroong isang lupain sa kabila ng ilog. Amen. Labis kong ikinagagalak ang bagay na iyan. Ngayon, malaking pagkakamali ang nagawa nila nung magsimula na silang magreklamo laban kay Moises at laban sa mga lingkod ng Diyos at maging sa Diyos mismo, na naging dahilan upang maantala sila. At alalahanin, ang lahat ng mga umupasala ay hindi nakarating sa lupain. Ang sabi ni Jesus nung narito Siya sa lupa, “Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila’y nangamatay. Ngunit Ako ang tinapay ng Buhay na nagmula sa Diyos galing sa langit na ang sinomang tao ay maaaring kumain at hindi siya mamamatay.” (Juan 6:48-58). O, iyan ang gusto ko. Ang lumipat mula sa kamatayan patungo sa buhay, at maging isang bagong nilikha kay Cristo Jesus (Juan 5:24). [3]

            Alalahanin, ang Israel ay naglakbay. Nalalaman ba ninyo kung gaano kahaba ng kanilang nilakbay? Kung tutuusin… Apatnapung milya lamang iyon, ngunit halos apatnapung taon nila itong nilakbay. Bakit? Sapagkat nagsimula na nilang upasalain ang tinig ng Diyos na nagpamalas ng tanda. Nakaligtaan na nila, ang panahon na sila ay humihiyaw doon sa pangpang at sumasayaw sila sa Espiritu, at si Moises ay sumasayaw sa Espiritu, ilang araw lamang ang nakalipas. At nagsimula na silang magreklamo, at nais na nilang gumawa ng kakaibang bagay. Dahil ditto ay nanatili sila sa ilang ng apatnapung taon at sila ay napahamak (Tama ‘yan.), dahil hindi sila nanampalataya. Ang sabi ng Diyos, “Hindi sila nagsasalita laban sa iyo, Moises, sila’y nagsasalita laban sa Akin.” Iyon ay tinig ng Diyos, hindi ni Moises (I Cor. 10:1-13). [4]

            Nung iniwan ng Israel ang Egipto, isang mensahe lamang ng propeta ang pinaniniwalaan nilang lahat. Nakita nila ang mga tanda ng Diyos sa pamamagitan ni Moises; nakita ng bawat isa sa kanila ang bagay na ito. Lumabas silang lahat sa Egipto, at lumakad sa Pulang Dagat, at nabautismuhan kay Moises. Nasaksihan nilang lahat kung paano tumama sa kaniya ang kapangyarihan ng Diyos nung sumayaw siya sa Espiritu at nung iwasiwas ni Miriam ang tambourine, samantalang nagtatatakbo siya sa may dalampasigan. Bawat isa sa kanila ay kumakain ng sariwa’t makalangit na mana mula sa kalawakan. Silang lahat ay nagsiinom mula sa espirituwal na Batong iyon na hinampas. Dalawang milyon lahat ang nagsilabas mula sa Egipto. Ngunit ilan lamang ang nakarating sa lupang pangako? Dalawa, isa sa isang milyon. Saan naroon ang iba pa? ang sabi ni Jesus sila ay napahamak. “Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang sa loob ng apatnapung taon, at sinasabi Ko sa inyo, na sila’y nangamatay.”
Ngayon, may halos limandaang milyong Cristiano sa buong mundo, kasama na ang ma Catolico, Protestante, at lahat na. Kung darating si Jesus sa pag-agaw na iyon, ayon sa bagay na binanggit ko, may limandaang katao ang mawawala sa mundo ngayon pagdating ng pag-agaw.  Sadyang magaganap ang bagay na iyan, kung isasama natin sa bilang ang lahat ng lupain, pati na ang iba pa na hindi dati kasali. Magaganap ang bagay na ito ano mang oras. Kita n’yo?
O, mga Cristiano, ibihis na natin ang buong kagayakan ng Diyos (Eph. 6:11-20). Gawin na natin ang lahat ng paraang nalalaman natin upang mapaglingkuran natin Siya, ibigin natin Siya, at abangan natin ang dakilang panahon na iyon.

            At pagpapalain kayo ng Diyos. “Aba’y pinagpapala Niya ako.” Hindi ko pinag-aalinlanganan ang bagay na iyan. Pinagpala nga Niya si Balaam (Numbers 22). Kita n’yo? Tiyak na gagawin Niya ang bagay na iyan. Kahit pa lumalakad kayo sa ipinahintulot na kalooban Niya, at hindi sa sakdal na kalooban Niya. Hindi magagawang baguhin ng Diyos ang isip Niya na pagpalain kayo. Pinagpala Niya ang Israel sa loob ng apatnapung taon. Ano ba ang ginawa nila? Nagsipagasawa, nagpalaki ng pamilya, hinahagkan ang mga anak, nagbabayad ng kanilang mga ikapu, namuhay sila ng maayos doon, at pinagpala sila ng Diyos doon sa ilang, patuloy na pinakakain sila ng mana; lamang ay nangamatay silang lahat sa ilang, ‘pagkat hindi sila nanatili sa orihinal na kalooban Niya, sa Kaniyang Salita. Pinili nila ang ipinahintulot na kaparaanan Niya. [5]

            Katulad sila ng mga anak ni Israel na lumabas sa Egipto datapuwat hindi sila nakarating sa Lupang Pangako. Ang mga anak ni Israel na iyon ay dalawang milyon na malalakas nung lisanin nila ang Egipto. Magkakasama silang naglakbay, nakita nilang lahat ang mga himala ng Diyos, silang lahat ay kumain ng isang mana at uminom sa batong hinampas, isang ulap lamang sa araw at haliging apoy sa gabi ang sinusundan nilang lahat (Exod. 13:21-22; 14:24), subalit DALAWA LAMANG ang nakarating sa Lupang Pangako. Tanging dalawa lamang ang totoo at tunay na mananampalataya. Iyan ang tama sapagkat ang Salita ang nagsasabi sa atin na sila ay nangamatay dahil sa hindi nila pananampalataya; at dahil sa hindi nila pananampataya ay nabigo silang makapasok (Hebreo 3:19). At dahil iyan ang nangyari, at dalawa lamang ang nakapasok, kung gayon ang lahat ng iba pa ay hindi tunay na mananampalataya. Ano ang pinagkaiba? Dalawa ang nanatili sa Salita. Nung panghinaan ng loob ang sampung tiktik doon sa Cades Barnea, hindi natakot sina Joshua at Caleb sapagkat sinampalatayanan nila ang Salita at ang sabi nila, “Magagawa nating kubkubin ang lupain.” Tiyak sila na magagawa nila ang bagay na ito sapagkat ang sabi ng Diyos, “Ipinagkaloob ko sa inyo ang lupain.” (Exod. 3:7-8, 17). Matapos na masaksihan ng mga Israelitang iyon ang kapangyarihan at kabutihan at pagliligtas ng Diyos ay nabigo pa rin silang makapasok sa kapahingahan, na siyang tipo ng Banal na Espiritu. Kaya nga mapapagtanto ninyo ngayon na kaunting kaunti lamang ang makakapanatili sa pananampalataya hanggang sa pagtanggap sa Espiritu ng Diyos. [6]

            Obligado ang Diyos na tuparin ang Kaniyang pangako. Nung ilabas ng Diyos ang Israel patungo sa ilang, nangako Siya na iingatan Niya sila. At kung ano ang ipinangako ng Diyos, obligado ang Diyos na tuparin ang bagay na ito. Nung mangailangan sila ng tubig, nagtungo sila sa bato. Nung mangailangan sila ng pagkain, nagpaulan ang Diyos ng mana mula sa langit. Hinati Niya ang Dagat na Pula.
Masdan ninyo ang bumababang mana, napakagandang tipo ng ating Iglesia sa ngayon. Kung paanong pinangunahan ng  Diyos ang Israel sa natural, ay gayon Niya pinangungunahan ang Iglesia ngayon sa espirituwal. [7]

            Ngayon, ang espirituwal na Israel ang tinutukoy ni Pablo na siyang sumakop sa lupain. O, hindi ba kayo nagagalak na nakalaya na kayo mula sa mga bawang ng Egipto? Hindi ba kayo nagagalak na kayo’y nakalabas na mula sa ilang? At alalahanin ninyo, kailangan nilang kumain ng mana, pagkain ng Anghel mula sa kalangitan, hanggang sa sila ay makatawid sa kabila ng lupain (Josue 5:10-12). At nung sila ay makatawid na sa lupain, tumigil na ang pagbaba ng mana. Sapagkat sila ay ganap ng magulang noon, at kumain sila ng imbak na trigo sa lupain. Ngayon, ngayon nga’t hindi na kayo mga sanggol, na hindi na ninyo ninanasa ang mga gatas na walang daya ng Ebanghelyo, na hindi na kayo kailangan pang amuin, at tapiktapikin, at himuking magsimba, ngayon nga’t kayo ay ganap ng magugulang na mga Cristiano, handa na kayo ngayon na kumain ng matitigas na karne. (Heb. 5:12-14; 6:1-3). Handa na kayong umusad sa isa pang bagay, ang sabi niya. Handa na kayong unawain ang isang bagay na malalim at mayaman. O, didiretso na tayo sa bagay na iyan. At, o, ito’y naitago mula pa nang itatag ang sanlibutan. Ang sabi Niya, “Ngayon, na kayo ay humantong na sa dakong ito, ipinauunawa ko sa inyo ang bagay na ito,” hindi doon sa mga kalalabas  pa lamang ng Egipto, hindi doon sa mga naglalakbay pa lamang, bagkus ay doon sa mga nasa loob na ng lupang pangako, sa mga nagsipagkamit na ng pangako (I Cor. 2:6-10).
Gaano na kaya karami ang nakatanggap ng Espiritu Santo? O, hindi ba kayo nagagalak na narito na kayo ngayon sa lupain, nakikinabang sa imbak na trigo, kumakain ng matitigas na bagay, at nagtataglay ng malinaw na unawa. Malinaw na malinaw ang inyong espirituwal na pagiisip. Kilala ninyo kung sino talaga Siya. Nalalaman ninyo kung ano talaga Siya. Nalalaman ninyo ang eksaktong patutunguhan ninyo. Nalalaman ninyo ang lahat tungkol sa bagay na Ito (Ef. 1:15-23). [8]

            Pansinin ninyo mga kapatid. Kung gayon ay gaano katagal nanatili ang pagulan ng mana? Nagpatuloy ito sa kabuuan ng paglalakbay, hanggang sa marating nila ang panibagong dispensasyon hanggang doon sa lupang pangako. At gaano naman tatagal ang bagay na taglay natin sa ngayon? Hanggang sa pagparito ni Jesus. Ang sabi ni Pedro, “Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesus Cristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagkat sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man  ang tawagin ng  Panginoon nating Diyos sa Kaniya. (Mga Gawa 2:38-39). Gaano ito magtatagal? Maging ilan man ang tawagin ng Panginoon. At habang naririto pa ang dispensasyon ng biyaya ng Diyos, patuloy pa ring tatawag ang Diyos ng mga lalaki at babae upang maglingkod sa Kaniya. [9]

Reference:
[1] “Presuming” (62-0117), par. E-48
[2] “Who Do You Say This Is?” (64-1227), par. 150-153
[3] “Speak To The Rock” (60-0723), par. E-25
[4] “The Voice Of The Sign” (64-0321E), par. E-30
[5] “Does God Change His Mind” (65-0418E), par. 12-14, 177
[6] “Smyrnaean Church Age”, CAB pg. 148
[7] “The Resurrection Of Lazarus” (51-0729A), par. E-64
[8] “Ephesians Parallels Joshua” (60-0515E), par. 66-67
[9] “Hidden Life” (55-1006A), par. E-35

Spiritual Building-Stone No. 190 from the Revealed Word of this hour, compiled by:
Gerd Rodewald, Friedenstr. 69, D-75328 Schömberg, Germany
www.biblebelievers.de, Fax: (+49) 72 35 33 06

 

There´s coming one with a Message that´s straight on the Bible, and quick work will circle the earth. The seeds will go in
newspapers, reading material, until every predestinated Seed of God has heard It.
[Bro. Branham in „Conduct-Order-Doctrine“, page 724]